De Lange palalakasin ang downhill skateboard racing sa Pinas
MANILA, Philippines — Kung si Magielyn Didal ang nagpapalakas sa skateboarding sa Pilipinas, pamumunuan naman ni Jaime De Lange ang pagpapakilala sa downhill skateboard racing.
Kamakalawa ay tinanggap ni De Lange ang cash incentive na P100,000 mula kay Ronald Mascariñas ng Chooks-to-Go para sa pagsikwat sa gold medal sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.
Sinabi ng 23-anyos na tubong Muntinlupa City na may paglalaanan siya ng nasabing pondo.
“It’s a fantastic bonus. I really appreciate it,” wika ni De Lange sa kanyang insentibo. “It will probably go to training, but before that I kinda wanna help the Tagaytay Skate Park and get my skates full going.”
Inangkin ni De Lange ang gold medal sa 1.7-kilometer downhill skateboard racing event sa 2019 SEA Games na idinaos sa Maragondon, Cavite.
Ang lima pang ginto ay nagmula kina Didal (Game of S.K.A.T.E. at street event), Fil-Am Christiane Means (skate park), Daniel Ledermman (Game of S.K.A.T.E.) at Kiko Francisco (skate park).
“As soon as I get my skates full going, get some free boards and free safety gear for the people, then I can really help grow the (downhill skateboarding) community,” sabi ni De Lange, nagtapos ng high school sa Southridge sa Alabang.
- Latest