Warriors top seed sa West
OAKLAND, California -- Kagaya ng inaasahan, tuluyan nang sinikwat ng Golden State Warriors ang Western Conference top seed.
Humataw si Stephen Curry ng 27 points para pamunuan ang Warriors sa 131-104 pagdurog sa bisitang Los Angeles Clippers sa kanilang final regular-season game sa Oracle Arena.
Ito ang pang-limang sunod na arangkada ng Golden State.
Nagdagdag si Kevin Durant ng 16 points at 7 assists para sa Warriors, pinarangalan ang mga nakaraang players ng prangkisa sa pagsusuot ng throwback white “We Believe” jerseys na ginamit noong 2007 playoff run na tumapos sa kanilang 12-year postseason drought.
Matapos ang 47 taon na paglalaro sa Oracle ay lilipat ang tropa sa bagong Chase Center sa San Francisco sa susunod na season.
Umiskor naman si Landry Shamet ng 17 points kasama ang limang 3-pointers para sa Clippers, nalaglag sa seventh-place katabla ang San Antonio Spurs sa West Conference.
Sa Boston, humataw si Terrence Ross ng 26 points at kumolekta si Nikola Vucevic ng 25 points at 12 rebounds para igiya ang Orlando Magic sa 116-108 paggiba sa Celtics at masikwat ang una nilang playoff berth sa nakaraang pitong taon.
Bagama’t natalo ay napasakamay pa rin ng Celtics ang fourth seed at home-court advantage sa first round.
Sa Indianapolis, umiskor si D’Angelo Russell ng 20 points habang may 19 markers si Joe Harris para tulungan ang Brooklyn Nets sa 108-96 panalo laban sa Indiana Pacers at makapasok sa NBA playoffs sa unang pagkakataon matapos ang apat na taon.
- Latest