Mapua nilayasan ni Oraeme
MANILA, Philippines - Isang matinding dagok ang nalasap ng Mapua matapos lumisan si two-time Most Valuable Player Allwell Oraeme sa kanilang kampo ilang buwan bago magsimula ang NCAA Season 93 men’s basketball tournament.
Ito ang inihayag ni Cardinals mentor Atoy Co kung saan idinahilan umano ni Oraeme na hindi na ito masaya sa Mapua at nagdesisyong bumalik na lamang sa Nigeria.
“Wala nang Oraeme. Nagpaalam siya at ang katwiran ay hindi na raw siya masaya sa Mapua. Uuwi na lang daw siya sa Nigeria. Pero para sa akin, yung rason na yun, napakababaw na rason,” ani Co sa panayam ng ABS-CBN.com.
Isang linggo nang hindi dumadalo sa pagsasanay ang 6-foot-10 na si Oraeme.
Pinaniniwalaan ni Co na may ilang grupo ang kumakausap kay Oraeme upang maglaro para sa ibang unibersidad/kolehiyo.
Ngunit nanindigan si Co na hindi nito bibigyan ng clearance si Oraeme.
Tiniyak din ng dating PBA star na sakaling umuwi si Oraeme sa Nigeria, sisikapin nitong hindi na makakabalik sa bansa ang slotman.
“Ang ‘di nila naiintindihan, bago siya makalaro sa ibang school, kailangang hihingi muna ng clearance ko. Hindi (ko siya bibigyan ng clearance) Ba’t ko ibibigay?,” dagdag ni Co.
Magugunitang itinanghal na Season MVP at Rookie of the Year si Oraeme noong Season 91 sa kanyang unang paglalaro para sa Cardinals.
- Latest