Clarkson nais lumaro sa Gilas sa World Olympic Qualifier
MANILA, Philippines – Bagama’t hindi nakasama sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa katatapos na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China ay umaasa si Fil-American Jordan Clarkson na makakatulong siya para sa hinahangad na tiket sa 2016 Olympic Games.
Ipinahiwatig ng Los Angeles Lakers’ guard ang kanyang intensyong mapasama sa Nationals sa Olympic qualifying tournament sa Hulyo sa 2016 sa pamamagitan ng isang video na ipinoste niya sa kanyang Twitter account.
Sa naturang video na inilagay niya sa kanyang Twitter account na @JClark50n ay nakitang nagsalpak si Clarkson ng isang dunk.
Ginamit ng sophomore Lakers guard ang caption: “Tough Fight: In 2016 @JClark5on & #SmartGilas #ALLIN #RoadToRedemption @lettrs.”
Kasalukuyang nasa Hawaii si Clarkson at ang Lakers para sa kanilang paghahanda sa darating na 2015-16 NBA season.
Bago sumabak ang Gilas sa FIBA Asia Championship ay sumabay ang 6-foot-5 na si Clarkson sa ensayo ng tropa ni coach Tab Baldwin sa Meralco Gym.
- Latest