Pinas kasama sa 6 na pagpipilian
MANILA, Philippines - Tumaas ang posibilidad ng Pilipinas na tumayo bilang punong-abala sa prestihiyosong FIBA Basketball World Cup.
Sa ulat ng FIBA.com, ang Pilipinas ay isa sa anim na bansa na kasama sa shortlist ng mga puwedeng pagdausan ng World Cup sa susunod na dalawang edisyon.
Bukod sa Pilipinas, ang China, Germany, France, Qatar at Turkey ang iba pang palaban sa hosting na gagawin sa 2019 at 2023 edisyon.
“We are extremely pleased to announce that six countries have expressed their interest in host the biggest basketball tournament in the world,” wika ni FIBA Secretary General at International Olympic Committee (IOC) member Patrick Baumann.
“The commitment to growing basketball as well as to stage first-class sporting events is something they all have in common,” dagdag ng FIBA official.
Ang pahayag na ito ng FIBA ay ginawa bago pa mangyari ang candidates workshop sa FIBA headquarters sa Geneva, Switzerland mula Dec.15 at 16.
Matatandaan na nagpahayag ang pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na si Manny V. Pangilinan ng kanyang kagustuhan na gawin ang World Cup sa bansa matapos ang makasaysayang pagbalik ng national team sa kompetisyon noong Agosto sa Spain.
Ipakikita ng SBP na interesado ang Pilipinas na kunin ang hosting sa pagpapadala ng delegasyon sa workshop na bubuuin nina Tourism Undersecretary at Chief Operating Officer Domingo Ramon Enerio III, PBA chairman Patrick Gregorio, SBP executive director Sonny Barriors, deputy ED Butch Antonio, SBP logistics consultant Andrew Teh at Sean Nicholls na pangulo ng Octagon Asia-Pacific, isang sports marketing at advertising firm na nakabase sa Sydney, Australia.
- Latest