6th title nilapa ng Red Cubs
MANILA, Philippines - Naisulong ng San Beda Red Cubs sa ikaanim na sunod ang pagdodomina sa NCAA juniors division nang kalusin ang Mapua Red Robins sa overtime, 78-65, sa pagtatapos ng 90th season kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Joshua Caracut ay kumana ng 30 puntos at walo sa 10 birada sa free throw line ang kanyang ginawa sa extension para pangunahan ang pagbalikwas ng koponan mula sa pagkulapso sa huling dalawang minuto sa tikada.
Nagsanib sa siyam na puntos pa sina Niko Abatayo at Kenneth Louie Alas para sa Cubs na nakabawi kahit nakitang naglaho ang 59-48 kalamangan papasok sa huling dalawang minuto sa regulation at naipuwersa ng Red Robins ang overtime sa 59-all.
Nakauna ang Mapua sa best-of-three series pero lumabas ang kakulangan sa championship experience nang hindi nakuha ang panalo sa sumunod na dalawang laro.
“Akala ko tapos na sa regulation. Kaya lang nag-turnovers kami. Buti na lang, we did it the second time,” wika ni San Beda coach JB Sison.
May siyam na rebounds at tig-isang assist at steal si Caracut na nasa huling taon ng paglalaro sa liga. Si Abatayo ay may double-double 14 puntos at 18 rebounds bukod sa tig-dalawang steals at blocks.
Ang anim na sunod na titulo ang pinakamahaba sa kasaysayan ng juniors division at ika-21st title ng San Beda.
May mga nagduda kung kaya pang magkampeon ang koponan dahil sa pagkawala ng mga kamador tulad nina Rev Diputado, Arvin Tolentino at Ranbill Tongco.
Ngunit hindi nawala sa sistema ang mga naiwan para muling pumaimbulog sa tuktok ng liga. (ATan)
- Latest