Vanguards babangga sa Patriots; Black Wolves susubukan ang Responders
MANILA, Philippines - Mag-uunahan ang apat na koponan sa pag-asinta ng unang panalo sa second round elimination sa UNTV Cup Season 2 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Unang magtatapat sa alas-3 ng hapon ang Local Government Units Vanguards laban sa Malacañang Patriots bago sundan ng pagkikita ng MMDA Black Wolves at PNP Responders dakong alas-4:30 ng hapon.
Galing sa impresibong 73-71 panalo ang Black Wolves sa nagdedepensang kampeon Judiciary Magis sa pagtatapos ng first round elimination kung kaya’t tiyak na bibitbitin nila ang magandang porma para sorpresahin pa ang Responders na pumangalawa sa Season I.
Si Jeff Sanders na naghatid ng mabigat na numero na 27 puntos at 16 rebounds bukod sa dalawang steals ang magdadala ng laban sa MMDA.
Sa kabilang banda, ang MVP noong nakaraang taon na si Ollan Omiping ang tiyak na kakamada para sa Responders. Matapos ang first round, si Omiping ay naghahatid ng 20 puntos kada laro.
Ipaparada uli ng MMDA ang 1-2 punch na sina Ervic Vijandre at Francis Adriano para maigupo ang hamon ng Patriots.
Sina Vijandre at Adriano ay naghahatid ng 26.3 at 21.3 puntos sa unang yugto at kung mapanatili ang tikas ay tiyak na pahihirapan ang Patriots sa labanan.
- Latest