James, Wade nagpasiklaban sa panalo ng Heat vs Mavericks
DALLAS--Naging madali ang panalo ni LeBron James at ng Miami Heat laban sa Dallas Mavericks na patuloy pa ring inulila ng may injury na si Dirk Nowitzki.
Umiskor si James ng 24 points mula na rin sa ilang pasa ni Dwyane Wade para banderahan ang Heat sa 110-95 paggupo sa Mavericks kung saan nagtayo ang Miami ng isang 36-points lead bago ipinahinga sina James at Wade sa kabuuan ng fourth quarter.
“I’m just playing within the game,’’ sabi ni Wade, naglista ng 19 points at 6 assists. ‘’My job is to do a little bit of everything right now.’’
Hindi pa naglalaro si Nowitzki, ang 11-time All-Star, ngayong season bagamat sumama na siya sa ensayo ng Dallas kamakalawa matapos sumailalim sa isang arthroscopic right knee surgery noong Oktubre 19.
Wala rin sa line-up ng Mavericks sina starting point guard Derek Fisher (right knee) at post players Elton Brand (right groin) at Brandan Wright (right ankle).
Kinuha ng Heat ang 22-11 kalamangan nang isalpak ni James ang isang 3-pointer sa 4:30 sa first quarter.
Nagdagdag naman si Chris Bosh ng 17 points para sa Miami na naglaro sa kanilang ikalawang road game sapul noong Nobyembre 17.
Magbabalik ang Heat sa Miami sa Sabado kontra sa Utah Jazz kasunod ang kanilang NBA Finals rematch ng Oklahoma City Thunder sa Christmas Day.
Umiskor naman si rookie Jae Crowder ng 15 points para pamunuan ang anim pang Dallas players na nagtala ng double figures.
Nagdagdag sina Dahntay Jones at Bernard James ng tig-12 points.
- Latest