Rising Suns pahihigpitin pa ang kapit sa Solong Liderato: Road Warriors asam ang magandang debut vs Erasers
MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ng NLEX Road Warriors ang kampanya para sa makasaysayang ikaapat na sunod na titulo habang kaunahang 2-0 start ang nasa isip naman ng Cagayan Rising Suns sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa The Arena sa San Juan City.
Limang mahuhusay na manlalaro ng Road Warriors ang wala na sa pangunguna ng magigilas na sina Calvin Abueva, Cilff Hodge at Chris Ellis pero masasabing ipaparada ng koponang hawak ni coach Boyet Fernandez ang pinakamabangis na line-up sapul ng sumali sa liga.
Nasa NLEX ang Smart Gilas Fil-Am player na si Matt Ganuelas bukod pa kina Baser Amer, Kevin Alas, Eric Camson, Chris Sumalinog at Nico Salva.
Si 7-footer Greg Slaughter ay nasa line-up din ngunit hindi pa makakalaro dahil hindi pa nakukuha ang endorsement mula sa Bureau of Immigration and Deportation (BID).
“Hindi pa kami nakakapag-ensayo bilang isang buong team kaya ang problema namin ay team chemistry. Kaya masusukat kami sa labang ito,” wika ni Fernandez na huhugot din ng magandang numero sa mga beteranong sina RR Garcia, Garvo Lanete, Jake Pascual at Ian Sangalang.
Ang mga manlalaro ng Perpetual Help na sina Jet Vidal at Earl Thompson ang mamumuno sa Erasers na ngayon ay hawak ng beteranong coach na si Aric del Rosario.
Samantala, ikalawang sunod na panalo para patuloy na mahawakan ang liderato sa 11 koponang liga ang nakataya sa Suns sa pagharap sa Boracay Rum sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Galing ang koponang minamanduhan ni coach Alvin Pua mula sa 89-85 panalo sa baguhang Informatics Icons upang maibaon sa limot ang 0-9 baraha sa kanilang unang conference.
- Latest