Lady Stags pasok na sa quarters
MANILA, Philippines - Isinulong ng San Sebastian Lady Stags ang pagpapanalo sa tatlong sunod nang talunin ang University of St. La Salle Bacolod, 25-18, 20-25, 25-19, 25-21, sa pagpapatuloy kahapon ng Shakey’s V-League na handog ng SMART sa The Arena sa San Juan City.
Nagsalitan sina Jeng Bualee at Joy Benito sa pag-atake at nakatulong din sa Lady Stags ang mga errors ng Lady Stingers na kanilang ginawang puntos upang angkinin ang solo-liderato sa Group B at opisyal ding angkinin ang unang puwesto sa quarterfinals sa kanilang pangkat.
Unang kabiguan naman ang nalasap ng La Salle Bacolod at sinayang nila ang hinawakang 17-15 kala-mangan sa fourth set nang hindi nakitaan ng magandang depensa sa net.
Si Benito ay mayroong 22 attacks bukod pa sa tig-dalawang service aces at blocks para bigyang-kinang ang laro ng Lady Stags.
Bago ito ay nagdomina muna ang Far Eastern University sa Southwestern University, 25-9, 25-8, 25-15, para katampukan ang dominasyon ng mga Metro Manila teams sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Sina Thai import Eve Sanorseang, Rosemarie Vargas, Wenneth Eulalio at Marie Basas ay nagsanib sa 44 hits para kunin ang panalo sa larong tumagal lamang ng 64 minuto.
Ang panalo ay nagbangon sa Lady Tamaraws mula sa pagkatalo sa nagdedepensang Ateneo upang manatiling palaban sa puwesto sa quarterfinals sa Group A tangan ang 1-1 karta.
- Latest
- Trending