Bounce-back win ng Lady Bulldogs

MANILA, Philippines — Bumangon kaagad mula sa pagkakadapa ang defending champion National University matapos nilang lapain ang 25-22, 24-26, 26-24, 25-18 panalo kontra Far Eastern University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumida sa opensa ng Lady Bulldogs si Alyssa Solomon matapos magtala ng 30 points mula sa 26 attacks, tatlong blocks at isang service ace para ilista ang 9-1 recond at manatiling nasa tuktok ng team standings.
Nauna nang sumadsad ang NU sa University of the Philippines sa limang sets noong Marso 26 kaya namantsahan ang kanilang baraha.
“Thankful ako sa nangyari sa UP game namin kasi para sa akin nakita ko siya as wake-up call na dapat hindi kami maging complacent talaga kahit number one kami,” sabi ni Solomon.
Pahirapan ang naging labanan sa unang tatlong frames kung saan ay natisod pa ang Lady Bulldogs sa second set.
Subalit sinigurado na nila na makukuha ang panalo nang ratsadahan ang Lady Tamaraws.
Bumakas si Bella Belen ng 18 markers kasunod ang 13 points ni Evangeline Alinsug para sa NU.
Pakay ng Lady Bulldogs na kumadena ng panalo sa pagharap nila sa Adamson Lady Fa;cons para mapagtibay ang kapit sa No. 1 spot.
Si Faida Bakanke ang namuno sa iskoran para sa Lady Tams sa tinikadang 21 markers kasama ang 18 kills at tatlong blocks.
Bagsak ang FEU sa 6-4 marka.
Sa unang laro, winalis ng Lady Maroons ang University of the East, 25-21, 25-18, 25-17, para sa kanilang 5-5 karta.
Laglag ang Lady Warriors sa 0-10.
- Latest