NU hinubaran ng korona ang UST, kakasa sa Finals
MANILA, Philippines - Inangkin ng top seed National University ang karapatang labanan ang Ateneo sa 74th UAAP men’s baseball matapos alisan ng korona ang UST sa 7-2 panalo kahapon sa Rizal Memorial Diamond.
Agad na nag-init ang mga batters ng Bulldogs at si catcher Alfredo Olivares ay nagpasok ng dalawang runs sa anim na kinamada ng koponan sa fifth inning para bigyan ang koponan ng 7-0 kalamangan.
Umiskor ng dalawa ang Tigers sa bottom fifth pero ito na ang huling hirit ng koponan dahil tumibay ang pukol ni MJ Gante na hindi ipinahinga sa kabuuan ng siyam na innings na tagisan.
Ang Finals ay paglalabanan ng NU at Ateneo sa isang best of three series at ang Bulldogs ay magnanais na makatikim uli ng titulo matapos kunin ang kampeonato noong 1965 at 1966 seasons.
Ang Game One ay itinakda sa Huwebes sa alas-9 ng umaga habang sa Linggo ang ikalawang tagisan. Kung kakailanganin, ang Game 3 ay masisilayan sa susunod pang Huwebes (Marso 1).
- Latest
- Trending