Fighting Maroons ikakasa semis spot
MANILA, Philippines — Aasintahin ng University of the Philippines ang unang silya sa Final Four sa kanilang pakikipagtunggali sa Ateneo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum ngayong araw.
Nakatuon ang Fighting Maroons sa pagpapahaba ng Final Four streak sa anim na sunod na seasons kaya nasa kukote nila ang kuyugin ang Blue Eagles sa pagsimula ng kanilang laro sa alas-6 ng gabi.
Kasalukuyang pinakamainit na koponan sa liga na may anim na sunod na panalo ang UP tangan ang 8-2 record at kasalukuyang solo sila sa tuktok ng team standings.
Lamang ng isang laro ang UP sa No. 2 National University (7-3) at may dalawang larong kalamangan sa Far Eastern University at De La Salle, na kasalukuyang magkatabla sa ikatlong puwesto na may tig-6-4 kartada.
Nakapuwesto ang Ateneo sa labas ng magic four dahil mayroon lamang itong hawak na 5-5 baraha sa likod ng Tamaraws at Green Archers na umaasam sa No. 4 spot.
Pakay din ng UP na makuha ang twice-to-beat advantage sa Final Four at posibleng pagkuhanan nila ng lakas ang tikas ni Noy Remogat.
Samantala, magsasagupa naman ang Adamson University at University of the East sa unang laro sa alas-2:30 ng hapon.
- Latest



















