WBO tiwalang maitatakda ang Pacquiao-Marquez IV
MANILA, Philippines - Kung may tao mang kumpiyansang maitatakda ang ikaapat na banggaan nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez, ito ay si World Boxing Organization (WBO) president Francisco ‘Paco” Valcarcel ng Puerto Rico.
Sinabi ni Valcarcel na naniniwala siyang muling magkakaharap ang 33-anyos na si Pacquiao at ang 38-anyos na si Marquez sa 2012.
“Whether it takes place in May or November of 2012, I guarantee that Juan Manuel Marquez will get his fourth fight against Manny Pacquiao,” paniniyak ni Valcarcel.
Hawak sa kasalukuyan ni Pacquiao ang WBO welterweight crown.
Tinalo ni Pacquiao si Marquez via majority decision win sa kanilang ‘trilogy’ noong Nobyembre 13 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Bago ito nakatakas si Marquez kay Pacquiao mula sa isang draw sa kanilang unang pagkikita noong Mayo 8, 2004 sa MGM Grand, habang naagaw ng Filipino boxing superstar ang dating suot ng Mexican na World Boxing Council (WBC) super featherweight belt via split decision sa kanilang rematch noong Marso 15, 2008 sa Mandalay Bay sa Las Vegas.
Kung maitatakda man ang kanilang pang apat na banggaan ni Pacquiao ay ayaw na ni Marquez na muli itong idaos sa Las Vegas, Nevada.
“Regarding the rematch with Pacquiao, I hope that it happens on May 5th and I hope they respect my terms, one of which is not to stage the fight in Las Vegas,” sabi ni Marquez, mas gustong gawin ang kanilang pang apat na laban ni Pacquiao sa Mexico o Dallas, Texas.
Dala ni Pacquiao ang 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, habang bitbit ni Marquez ang 53-6-1 (39 KOs) card.
Nasa listahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sina Floyd Mayweather, Jr. (42-0, 26 KOs) at Lamont Peterson (30-1-1, 15 KOs).
- Latest
- Trending

















