Fighting Maroons dumikit sa semis
MANILA, Philippines — Ibinuhol ng University of the Philippines ang pang-anim na sunod na panalo matapos nilang gilitan ang Adamson University, 82-70, kagabi sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa SMART Araneta Coliseum.
Dahil sa panalo, tumibay ang kapit ng Fighting Maroons sa tuktok ng team standings matapos ilista ang 8-2 karta at mapalapit na rin sa pagsampa sa semifinals.
Nagtulungan sa opensa sina Veejay Pre at Rey Remogat na nagtala ng panelyong puntos may 2:20 minuto na lang ang nalalabi sa orasan.
Dikit lang ang naging banatan sa unang period, lamang lang ng dalawang puntos ang Fighting Maroons, 19-17 subalit nag init ang kanilang opensa sa second quarter para ilayo sa 14 puntos ang bentahe, 45-31 sa halftime.
Nanatili ang matikas na laro ng Katipunan-based squads sa third canto kaya naman malaki pa rin ang kanilang bentahe, 68-58 papasok ng fourth quarter.
Hindi naman nagpabaya ang Fighting Maroons sa payoff period at nagpatuloy ang kanilang pagdomina sa laro at sikwatin ang panalo.
Samantala, natakasan ng Far Eastern University ang pangungulit ng University of the East matapos ilista ang 94-83 panalo sa unang laro.
Kinahon ng Tamaraws ang two-game winning streak para ilista ang 6-4 karta at sumalo sa No. 3 spot sa team standings kasama ang defending champions De La Salle University Green Archers.
Pinangunahan ni Bautista ang opensa para sa Tamaraws sa tinikadang 18 puntos at apat na rebounds, habang si Konateh naman ay nagtala ng double-double na may 15 puntos at 19 boards.
- Latest





















