Mavericks nakaisa
DALLAS — Matapos ang tatlong sunod na kamalasan ay nakakuha na rin ng panalo ang nagdedepensang Mavericks.
Nakahugot ng 18 points kay top scorer Dirk Nowitzki at career-high 19 markers kay reserve center Ian Mahinmi, tinalo ng Dallas ang Toronto Raptors 99-86.
May 1-3 rekord ngayon ang Mavericks.
Humugot si Jason Terry ng 10 sa kanyang 17 points sa final quarter para sa Dallas na huling nagposte ng 0-4 marka noong 2006-07 season.
Ang huling defending NBA champion na binuksan ang season sa 0-4 ay ang Boston Celtics noong 1969-70.
Huling natalo ang Dallas sa Oklahoma City Thunder, 102-104 buhat sa three-pointer ni Kevin Durant sa pagtunog ng final buzzer.
“We knew it would happen, it was just a matter of time,” ani Terry. “We thought it would happen last night, but unfortunately we had to take a bump along the way. But the way we played last night gave us some confidence. Now that we know how we have to play, we’re a confident team.”
Nagtala rin si Mahinmi ng 5 rebounds at 2 blocks.
Pinangunahan ni Andrea Bargnani ang Raptors sa kanyang 30 points at may 20 naman si Leandro Barbosa.
Sa iba pang laro, tinagpas ng Chicago Bulls ang Los Angeles Clippers, 114-101; iginupo ng Boston Celtics ang Detroit Pistons, 96-85; binigo ng Memphis Grizzlies ang Houston Rockets, 113-93; tinalo ng Utah Jazz ang Philadelphia 76ers, 102-99; pinasuko ng Altanta Hawks ang New Jersey, 105-98; ginapi ng Indiana Pacers ang Cleveland Cavaliers, 98-91; at kinaldag ng Orlando Magic ang Charlotte Bobcats, 100-79.
- Latest
- Trending






















