Tigasing Gilas Pilipinas lineup isasabak ni Cone sa 5th Window

MANILA, Philippines — Solido ang lineup na ipaparada ng Gilas Pilipinas sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Seremban, Malaysia.
Kaya naman excited na si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na magiging performance ng kaniyang bataan sa qualifiers lalo pa’t kailangan ng tropa na makakuha ng krusyal na panalo.
Nangunguna sa listahan si naturalized player Bennie Boatwright na matapos ang mahabang paghihintay ay pormal nang masisilayan sa aksiyon kasama ang Gilas Pilipinas.
Pasok din sa lineup para sa fifth window sina Kai Sotto, Quentin Millora-Brown, AJ Edu at Mike Phillips.
Muling magbabalik ang 7-foot-3 na si Sotto na nasilayan sa aksiyon sa fourth window noong Agosto kung saan naitala ng Gilas ang two-game sweep.
Tinalo ng Gilas ang Jordan via overtime (82-81) habang nanaig din ang tropa sa Iran sa iskor na 68-56 sa larong ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magbabalik si Sotto sa aksiyon matapos magpahinga sa pitong laro nito sa Altira Chiba sa Japan B.League.
Maglalaro rin si Millora-Brown na hindi nasilayan sa aksiyon sa fourth window dahil sa mga nauna nitong commitments.
Unang makakalaban ng Gilas ang Syria sa Nobyembre 27 kasunod ang Iran sa Nobyembre 29.
Kailangan ng Gilas Pilipinas na makalikom ng sunud sunod na panalo upang mapataas ang puwesto nito sa standings.
Nasa No. 5 spot ang Gilas sa Group E tangan ang 4-4 rekord.
Nangunguna ang Australia na may 8-0 kasunod ang New Zealand (6-2), Iran (5-3) at Jordan (5-3), habang nasa ibaba ang Syria (2-6).
Ang tatlong mangungunang koponan lamang sa grupo ang awtomatikong papasok sa 2027 FIBA World Cup proper na idaraos sa sa Doha, Qatar.
Kaya naman ilalabas ng Gilas Pilipinas ang buong puwersa nito upang manalo.
- Latest
















