Lopez, Saludar, Tipon nanalo sa kanilang unang laban
Incheon, South Korea -- Tatlong panalo at isang talo ang naging simula ng kampanya ng PLDT-ABAP national boxing team sa pagbubukas ng Asian Elite Men's Championship dito sa Dowon Sports Arena.
Ang tatlong tagumpay ay nagmula kina welterweight Wilfredo Lopez, flyweight Rey Saludar at bantamweight Joan Tipon.
Tinalo ni Lopez si Maksat Alimbaev ng Kyrgyztan sa 69-kilogram division, 24-11.
Nagwagi si Saludar, ang 2010 Asian Games gold medalist, laban sa kanyang Japanese rival via disqualification.
Umiskor si Tipon, ang 2006 Asian Games gold medal winner, ng 11-4 tagumpay laban kay Mohammed Jawad ng Iraq.
Ang mga natalo naman sa kani-kanilang dibisyon ay sina lightweight Charly Suarez at light welterweight Rolando Tacuyan.
Isinuko ni Suarez ang isang 17-18 kay Aydar Amirzakov ng Kazakhstan, samantalang yumukod si Tacuyan kay Sang Hyuk Park ng South Korea, 13-18.
Nakuha ni Tacuyan ang first at second round, 5-3 at 10-9.
Ngunit nawalan siya ng hangin sa third round na sinamantala ni Park para agawin ang panalo.
Bago ito, nabawasan ng puntos si Tacuyan dahil sa pangyayapos.
- Latest
- Trending



















