Eala silat kay Liu

Runner-up sa Hong Kong Open
MANILA, Philippines — Bigo si Alex Eala na masungkit ang korona matapos lumasap ng 3-6, 0-6 kabiguan sa kamay ni Claire Liu ng Amerika sa finals ng Hong Kong Open kahapon na ginanap sa Victoria Park Center Court sa Causeway Bay, Hong Kong.
Mainit ang bakbakan sa unang set kung saan palitan ng matatalim na atake ang dalawang netters.
Nauwi pa ang iskor sa 3-3 pagtatabla.
Subalit nakakuha ng magandang momento si Liu sa mga sumunod na games nang maitarak nito ang 3-0 run upang makuha ang first set.
Sa second set, nadala ni Liu ang magandang momento nito matapos umarangkada sa 4-0 kalamangan.
Mula noon ay hindi na lumingon pa si Liu para matamis na angkinin ang kampeonato.
Nagtala si Liu ng kabuuang limang aces laban sa isa lamang ni Eala.
Nagrehistro pa ang Pinay netter ng apat na double faults.
May 88 porsiyento si Liu sa first serve laban sa 47 lamang ni Eala.
Limang beses din nitong na-break si Eala.
Nakakuha pa si Liu ng 34 receiving points.
Tila pagod pa si Eala na galing sa dikdikang 7-5, 3-6, 6-4 panalo laban kay Maria Sakkari ng Greece sa semifinals noong Sabado.
Makailang ulit na natigil ang laro nina Eala at Sakkari dahil sa ulan.
May 2-0 rekord na si Liu kontra kay Eala.
Nanaig din si Liu sa kanilang unang paghaharap noong Oktubre 21, 2025 sa Round of 32 ng Guangzhou Open sa China sa iskor na 2-6, 6-4, 6-4.
Hindi naman uuwing luhaan si Eala dahil magkakamit ito ng $22,125 premyo o katumbas ng P1.4 milyon.
Bukod pa rito ang nakuha nitong puntos upang umangat sa ranking sa pagtatapos ng WTA season.
Hahawakan ni Eala ang bagong career-high na No. 15 sa ilalabas na listahan ng WTA ngayong araw.
Ito ang pinakamataas na puwestong naabot ni Eala.
Matapos nito, inaasahang magpapahinga si Eala matapos ang matinding season na pinagdaanan nito.
Sunod na pagtutuunan ng pansin ni Eala ang event nito sa Philippine Arena sa Disyembre kung saan makakalaban nito si Janice Tjen ng Indonesia sa isang exhibition match.
- Latest



















