Converge ‘di nagkamali kay Williams
MANILA, Philippines — Hindi nagkamali si Converge coach Delta Pineda sa paghugot kay Fil-Am point guard Mikey Williams mula sa TNT Tropang 5G kapalit ni Fil-Australian shooter Jordan Heading.
Ang 35-anyos na si Williams ang isa sa mga naging susi ng FiberXers para sibakin ang Rain or Shine Elasto Painters, 120-109, sa Game Four ng kanilang Season 50 PBA Governors’ Cup quarterfinals series noong Biyernes.
Isinara ng Converge ang kanilang best-of-five showdown ng Rain or Shine sa 3-1 para labanan ang NLEX, winalis ang Phoenix, 3-0, sa quarterfinals, sa isa pang best-of-five semifinal duel.
“Wala po tayong pinagsisihan doon. Ano po ‘yun, it’s a good decision. It’s a team decision, it’s the owners’ decision, it’s a good decision. And now it shows ‘yung experience ni Mikey in this crucial moment, nai-deliver po,” ani Pineda.
Isinalpak ni Williams, iginiya ang Tropang 5G sa korona ng 2021 PBA Philippine Cup at 2023 PBA Governors’ Cup bago nawala sa eksena dahil sa isyu sa kontrata, ang dalawang mahalagang three-point shots sa huling 2:42 minuto ng fourth period para sa panalo ng Converge sa Rain or Shine.
Alam ni Pineda na malaki ang maitutulong ng two-time PBA Finals MVP sa kanilang misyong makopo ang unang korona ng FiberXers.
Nakuha ng FiberXers ang playing rights ni Williams sa Tropang 5G noong Hunyo 2 noong nakaraang taon kapalit ni Heading.
At noong nakaraang Marso 4 ay pinirmahan ni Williams ang isang one-year contract sa Converge na tumapos sa kanyang three-year absence sa liga.
- Latest



















