Caloy sasabak uli sa France
MANILA, Philippines — Muling masisilayan si Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo sa France kasama ang OAJLP Gymnastique team.
Pormal nang inanunsiyo ng OAJLP Gymnastique ang pagbabalik ni Yulo sa kanyang grupo para sa panibagong season.
“Carlos Yulo is part of the Antibes team for this season,” ayon sa post ng OAJLP Gymnastique sa kanilang social media accounts.
Ito ang ikalawang pagkakataon na masisilayan si Yulo kasama ang naturang team.
Matatandaang bahagi si Yulo ng OAJLP Gymnastique na nasungkit ang French Men’s Artistic Gymnastics Championship Top 12 title noong Mayo.
Galing si Yulo sa kampanya sa FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Rotterdam, Netherlands.
Ngunit bigo itong makasungkit ng medalya sa naturang torneo kabilang na sa kanyang paboritong floor exercise at vault events.
Bago ang World Championships, binanderahan ni Yulo ang kampanya ng Team Philippines sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan.
Nasikwat ni Yulo ang dalawang gintong medalya sa Asian Games — isa sa floor exercise at isa sa vault.
Magandang pagkakataon ang makasama si Yulo sa OAJLP Gymnastique dahil naghahanda ito para sa Olympic qualifying tournaments para sa 2028 Los Angeles Olympics sa California.
Isa sa pinaghahandaan ni Yulo ang 2027 World Championships na idaraos sa Chengdu, China na magsisilbing qualifying para sa LA Olympics.
- Latest



















