Pacquiao nominado sa Fighter of the Year ng ESPY
MANILA, Philippines - Matapos gawaran ng dalawang parangal ng Boxing Writers Association of America (BWAA) noong unang linggo ng Hunyo sa New York, naisama naman ang pangalan ni Manny Pacquiao sa listahan ng 2010 ESPY Fighter of the Year award.
Maliban kay Pacquiao, nominado rin para sa naturang rekognisyon sina Floyd Mayweather Jr. at UFC welterweight champion George St. Pierre.
Sakaling ungusan sina Mayweather at St. Pierre, ito na ang magiging ikalawang sunod na taon na makukuha ng Filipino world seven-division champion ang ESPY Fighter of the Year award.
Nagsimula na ang botohan sa pamamagitan ng pagbisita sa ESPY website.
Nauna nang kinilala si Pacquiao, ang bagong Congressman ng Sarangani, bilan “Best Fighter of the Year” at “Best Fighter of the Decade” ng BWAA.
Nakuha ni Pacquiao ang 2009 ESPY honors matapos talunin sina dating UFC light heavyweight champion Lyoto Machida, UFC middleweight champion Anderson Silva at boxing welterweight champion Sugar Shane Mosley.
Matapos tanghaling 2009 ESPY FOY winner, nasambot ng 31-anyos na si Pacquiao ang kanyang pang pitong divisional title nang hubaran ng kanyang world welterweight belt si Puerto Rican star Miguel Cotto noong Nobyembre.
Kasunod nito ay ang kanyang matagumpay na title defense kay Ghanian challenger Joshua Clottey noong Marso ng 2010 sa Dallas.
Tinalo naman ni Mayweather si Mexican Juan Manuel Marquez noong Setyembre ng 2009 sa kanyang pagbabalik sa boxing scene at binigo si Mosley noong Mayo.
Naidepensa naman ni St. Pierre ang kanyang UFC welterweight crown laban kay Dan Hardy sa UFC 111 noong Marso.
- Latest
- Trending