Dyip boundary kaagad

Grigsby ipinalit ng Ginebra kay Brownlee
MANILA, Philippines — Sinagasaan ng Terrafirma ang import-less Titan Ultra, 113-100, sa pagsisimula ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sinamantala ng Dyip ang paglalaro ng Giant Risers na walang import para ilista ang 1-0 record sa Group A na kinabibilangan din ng nagdedepensang TNT Tropang 5G, San Miguel Beermen, Converge FiberXers, NLEX Road Warriors at guest team Macau Giant Pandas.
Humakot si import Justin Strings ng 25 points at 16 rebounds para sa buwenamanong panalo ng Terrafirma, habang kumolekta si No. 1 overall pick Geo Chiu ng 19 markers at 23 boards.
Hindi nakalaro si Titan Ultra reinforcement James Milton dahil sa kabiguang makakuha ng FIBA clearance.
Mula sa 51-46 abante sa halftime ay pinalobo ng Dyip ang kanilang kalamangan sa 67-60 sa third period.
Naagaw ng Giant Risers ang bentahe sa 74-73 mula sa isang 14-6 atake tampok ang tig-isang three-point shot nina Aris Dimaunahan at Pao Javillonar.
Nabawi ng Terrafirma ang 79-76 third quarter lead patungo sa pagtatala ng 107-94 abante sa huling 2:37 minuto ng fourth period.
Samantala, ipaparada ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup champion Barangay Ginebra si import Riley Grigsby.
Ang 6-foot-6 na si Grigsby ang pansamantalang papalit kay resident import Justin Brownlee na may hamstring injury.
“He’s 26 years old and has had NBA G League experience and has come with some strong recommendations from his coaches there,” ani Gin Kings coach Tim Cone kay Grigsby. “We’re excited about working with him.”
Isasalang ng Ginebra si Grigsby sa kanilang unang laro sa Hulyo 19 laban sa Phoenix sa Smart Araneta Coliseum.
- Latest



















