2026 Wimbledon unforgettable para kay Eala

MANILA, Philippines — Tunay na hindi malilimutan ni Alex Eala ang 2026 edisyon ng Wimbledon Championships.
Nanood si tennis legend Roger Federer sa laban nila ni Jasmine Paolini sa fourth round ng Wimbledon noong Lunes.
Aminado si Eala na bahagya itong kinabahan nang makita nito ang Grand Slam champion.
Ngunit hindi hinayaan ni Eala na makaapekto ito sa kanyang laro.
“Kaunting nerbiyos. Kasi kay Roger Federer talaga ako namamangha. Pero it’s part of my job to focus, magkaroon ng professionalism at mag-concentrate sa laro,” ani Eala.
Hindi naman maikakaila sa mga nakalipas na panayam na isa si Federer sa mga hinahangaan nito sa mundo ng tennis.
Kaya naman lubos ang saya ni Eala na mapanood ng isang tennis legend na tulad ni Federer ang kanyang laro.
Hindi pinalad si Eala na makapasok sa quarterfinals matapos lumasap ng 4-6, 6-4, 3-6 kabiguan kay Paolini para tuluyang matuldukan ang kanyang cinderella run.
“Sobrang happy na ako na nanood siya ng match ko,” dagdag ni Eala.
Nakapagpakuha ng larawan si Paolini kasama si Federer.
Agad naman itong ni-repost ni Eala kung saan pabiro nitong sinabi na nagseselos ito dahil wala itong picture kasama si Federer.
“No photo for me @rogerfederer,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
Sa ngayon, pahinga muna si Eala para mabilis na makarekober ang katawan nito matapos ang ilang linggong laban sa grass season.
- Latest
























