Langoy, Pinoy, langoy!
MANILA, Philippines – Isang institusyon sa larangan ng swimming ang ihahatid sa kanyang huling hantungan ngayong araw na ito.
Si Remberto “Bert” Lozada, na kilala sa pagtuturo sa napakara-ming batang Pilipino kung papaano lumangoy, ay pumanaw noong Mayo 5 sa Fuda, China sanhi ng pancreatic cancer. Siya ay 68 anyos.
Bibihira ang hindi nakakakilala sa pangalang Bert Lozada. Sa loob ng nakaraang 50 taon, hindi na mabilang ang mga kabataan na naturuan niyang lumangoy. At kahit pa sumakabilang-buhay na, magpapatuloy ang Bert Lozada Swimming School (BLSS) sa paghubog sa mga Pilipino bilang mahuhusay na swimmers.
Ang buong buhay nga ni Mang Bert ay inihandog niya sa pagtuturo ng swimming. Sa kanyang ama na si Catalino, isang retiradong pulis, nagsimula ang swimming sa pamilya Lozada. Ang ama niya ay baseball player na nagkaroon ng injury. At para mas mabilis gumaling, pinayuhan ito ng doktor na subukan ang swimming. Tuwing Sabado’t Linggo nga ay dinadala ni Mang Catalino ang kanyang siyam na anak sa mga hot springs sa Los Baños, Laguna para mag-swimming.
Pitong taong gulang lamang si Mang Bert nang turuan siyang lumangoy ng kanyang ama. “Inihagis niya ako sa tubig at sinagip lamang nung hindi na ako makahinga,” ang kuwento niya. Ganito rin ang unang paraan ng pagtuturo ni Mang Bert sa kanyang mga estudyante. Pero pagtagal ay naging moderno na ang estilo niya.
Lumaki si Mang Bert sa Maynila – sa kalye Aguado, malapit sa Malacañang. Upang maiiwas sa bisyo, inenrol siya ng kanyang ama sa YMCA kung saan napasailalim siya sa coach na si Fedy Cruz. Dito niya natutunan ang scientific na paraan ng paglangoy. Ito rin ang nag-engganyo sa kanyang ama na magtayo ng swimming pool sa kanilang lupa sa Tambo, Parañaque.
Noong una’y hindi pa masyadong seryoso sa swimming si Mang Bert. Ang kapatid niyang si Pete ang seryoso, kaya naman nakasali ito sa 1956 Olympics. Noong mga panahong iyon ay mas hilig ni Mang Bert ang baseball. Pero nagbago ang lahat nang makatikim siya ng medalya sa UAAP. Simula noon ay swimming na ang kanyang pinagtuunan ng pansin.
Noon ngang 1956 ay naging record holder si Mang Bert sa 100m at 200m backstroke sa UAAP. Nakuha rin niya ang All Corners Record sa Japan-Philippines Goodwill Games sa Tokyo. At noong 1958 at 1962, nakabilang na siya sa Philippine team na ipinadala sa Asian Games sa Tokyo at Jakarta.
Si Mang Bert ang alalay ng kanyang ama sa pagtuturo sa kanilang swimming pool. Isang estudyante nila – si Zena Reyes -- ay takot na takot sa tubig. Minsan ay napagalitan niya ito dahil sa paglangoy sa kiddie pool. Ang hindi alam ni Mang Bert, ito pala ang kanyang mapapangasawa.
Lahat ng mga anak ni Mang Bert--sina Angelo, Anthony at Susie--ay nahilig sa paglangoy. Sila na ngayon ang nangangasiwa sa BLSS. Nagsasagawa sila ng Camp Aqua swimming clinics sa iba’t ibang eskuwelahan at resorts sa bansa buong taon. At hindi na lamang mga bata ang kanilang tinuturuan. Ngayon, pati mga adults na may phobia sa tubig – gaya ni Aling Zena noon--ay inengganyo nilang lumangoy para tumatag ang loob at lumakas ang katawan.
Hindi na nga mabilang ang produkto ng BLSS. Napakarami na rin nilang estudyante na naging Olympians. Sa pagpanaw ni Mang Bert, ang mga ito ay sumasaludo sa kanya.
Sumakabilang buhay man siya, patuloy na mag-aaral luma-ngoy ang mga Pinoy dahil sa alaala ng isang Bert Lozada.
- Latest
- Trending