Menk, Hontiveros, Alapag pinili para sa PBA selection
MANILA, Philippines - Kabilang sina dating national players Eric Menk, Dondon Hontiveros at Jimmy Alapag ang binoto para maglaro sa PBA selections na susubok sa lakas ng Powerade Team Pilipinas sa 2009 PBA All-Star Week na nakatakda sa Abril 22-26.
Isa pang dating RP stalwart Danny Seigle ang pinili ng mga fans para sa slot sa three-game series. Ngunit tila hindi pa makakalaro ito dahil nagpapagaling pa ng kanyang back surgery.
Sina Menk, Hontiveros, Alapag at Seigle, lahat pawang miyembro ng RP team na pang 9th place sa 2007 FIBA-Asia Olympic qualifier sa Japan, ay binoto kasama sina Jay Washington bilang starters ng South All-Stars na kakalabanin ang RP team sa Panabo, Davao del Norte sa April 24.
Samantala, sina Marc Pingris, Lordy Tugade, Enrico Villanueva, Paul Artadi at MacMac Cardona naman ang starters ng North team na makakalaban ng Nationals sa Abril 22 sa Victorias, Negros Occidental. Hindi pa rin sigurado kung makakalaro si Tugade na may injury din.
Ang South at North starters ay magsasama sa final day ng serye upang harapin ang Nationals sa Araneta Coliseum saAbril 26.
Si Talk N Text coach Chot Reyes ang gigiya sa PBA selection sa Victorias at Manila games habang si Alaska coach Tim Cone naman kontra kay RP mentor Yeng Guiao sa Panabo.
Ang top 10 PBA coach ang pumili sa players na kukumpleto sa North at South rosters habang si league commissioner Sonny Barrios ang pipili ng apat na import na tutulong sa dalawang All-Star team.
Pansamantalang iibahin ng PBA ang tradisyunal na North vs South format para matulungan ang RP team sa kanilang pag-hahanda sa tatlong nalalapit na international stint--SEABA championship sa June, Jones Cup sa July at FIBA- Asia championship sa August.
- Latest
- Trending