Problema ng cycling at badminton inaksiyunan ni Angping
Bilang isang ‘action man’, hindi na pinatatagal ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping ang problema ng mga National Sports Associations (NSA) sa kabila ng pamumuno rito ng Philippine Olympic Committee (POC).
Kabilang sa mga NSAs na may leadership crisis at binigyan na ni Angping ng rekognisyon ay ang Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) at Philippine Badminton Association (PBA).
“I’m an action man. Sa ganitong mga issues kailangan magdecide na tayo para hindi mabitin ‘yung mga preparation natin for the Laos Southeast Asian Games,” ani Angping kahapon.
Ayon kay Angping, nakakuha na sina Tagaytay City Mayor Bambol Tolentino ng cycling at dating First Lady Amelita “Ming” Ramos ng badminton ng letter of recognition mula sa kanikanilang mga international federations.
“Actually, ang POC nirerecognize din nila kung sino ang recognized ng IF (international federation),” wika ni Angping, dating pangulo ng softball association. “The POC cannot make any recommendation for approval or recognition kapag wala ‘yung recognition ng IF.”
Maliban sa cycling at badminton, nireresolba pa rin ng POC ni president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. ang mga problema ng bowling, wushu, wrestling at billiards and snooker.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Angping na siya na ang tatayong head of delegation ng national tennis team na magtutungo sa Hong Kong para sa AsiaOceania Zone Group II first round tie na nakatakda sa Marso 6-8.
Ang tropa ay babanderahan nina Fil-Ams Cecil Mamiit at Treat Huey kasama sina Patrick John Tierro, naghari sa katatapos na 1st Metro Open People’s Tennis Championships, at Australian Juniors doubles champion Francis Casey Alcantara. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending



















