Solis gustong makalaban ni Nietes
Matapos ang matagumpay niyang ikalawang sunod na title defense, ang makalaban naman si Mexican world light flyweight champion Ulises “Archie” Solis ang hangad ni Filipino world minimumweight king Donnie “Ahas” Nietes.
Sa panayam kahapon ni Dennis Principe kay Nietes sa kanyang ‘Sports Chat’ program sa DZSR Sports Radio mula sa Los Angeles, California, sinabi ng tubong Murcia, Bacolod City na handa siyang umakyat sa 108-pound limit mula sa 105 lbs para hamunin si Solis.
“Gusto ko sana siyang makalaban sa 108 pounds,” ani Nietes kay Solis. “Maganda kasi kung makakalaban ko ‘yung mga sikat na champion kagaya ni Solis.”
Matagumpay na naidepensa ng 26-anyos na si Nietes ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown via unanimous decision kay Mexican challenger Eric Ramirez kamakalawa sa Auditorio Guelaguetza sa Oaxaca, Mexico.
Nakatakda namang ipagtanggol ng 27-anyos na si Solis ang kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt kay dating World Boxing Council (WBC) light flyweight king Brian Viloria sa Abril 19 sa Araneta Coliseum.
“Wala naman akong nakikitang advantage ko sa kanya o nakikitang lamang niya sa akin. Basta paghahandaan ko talaga siya ng husto kapag natuloy ‘yung laban namin,” wika ni Nietes, may 24-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs.
Bukod sa IBF light fly-weight title ni Solis, nagdadala ng 28-1-2 (20 KOs), hangad rin ni Nietes na maiganti sina Filipino challengers Glenn Donaire, Rodel Mayol at Bert Batawang.
“Siyempre, gusto kong maiganti ‘yung mga kababayan nating tinalo ni Solis,” sambit ni Nietes, isa sa apat na Filipino world boxing champions matapos sina Manny Pacquiao, Gerry Peñalosa at Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. (RCadayona)
- Latest
- Trending

















