Semis abot kamay na ng Realtors
Ipinaramdam ng Sta. Lucia Realty ang kanilang determinasyong maipagtanggol ang kanilang hawak na titulo nang kanilang pagwagian ang intensibong laban kontra sa Rain Or Shine, 101-84 sa pagsisimula ng kanilang best-of-three quarterfinal series sa KFC-PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa dinayong Araneta Coliseum kagabi.
Naging matensiyon ang labanan kung saan ilang players at isang coach ang na technical sa laro bagamat kontrolado ng Realtors ang laban kung saan umabot sa 26-puntos ang kanilang kalamangan nang muntik nang magkaroon ng free-for-all sa ikaapat na quarter.
Nagpamalas ng intensibong laro sina Nelbert Omolon at Joseph Yeo na tumapos ng 30 at 26 puntos ayon sa pagkaka-sunod upang kunin ng Realtors ang 1-0 kalamangan sa serye na maaari nilang tapusin sa Game-2 bukas sa Cuneta Astrodome dahil sa napipintong pagkakasuspindi ng main man ng Elasto Painters na si Gabe Norwood.
Napatalsik sa laro ang Fil-Am na si Norwood, may 5:55 ang oras sa ikatlong quarter matapos itong patawan ng Flagrant foul penalty 2 na nangangahulugan ng awtomatikong suspensiyon bukod pa sa multang P20,000.
Binato ni Norwood, nafoul ni Dennis Daa habang padrive ito, ng bola sa mukha si Omolon na siyang pinagmulan ng tensiyon na muntik nang ma-uwi sa bench clearing insident, lamang ang Elasto Painters sa 65-47, 5:55 ang oras sa ikatlong quarter.
Napatawan din ng technical foul sina Sol Mercado, Yeo at Rayan Arana na pumasok sa court galing sa bench matapos makibahagi sa kaguluhan.
Na-technical din si Rain Or Shine coach Caloy Garcia dahil sa kanyang walang tigil na pagrereklamo.
Napatalsik din sa laro si Marlou Aquino dahil din sa Flagrant foul penalty 2 nang matapakan niya si Jay-R Reyes habang tumitira ng tres sa ikalawang quarter ngunit nakatakda itong i-apela ng Sta. Lucia upang hindi ito masuspindi.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban ang sister teams Barangay Ginebra at San Miguel Beer sa pagbubukas ng kanilang sariling best-of-three quarterfinal series.
- Latest
- Trending