Tulfo: Dapat may transparency sa presyo ng krudo
MANILA, Philippines — Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at bilihin na pumipigil sa Bangko Sentral ng Pilipinas na maabot ang target na pagbaba ng inflation ngayong Agosto, nanawagan si Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na amyendahan ang Oil Deregulation Law upang obligahin ang transparency sa pagpepresyo ng mga kumpanya ng langis.
“Sasabihin na lang ng mga kumpanya ng langis na ‘bukas, magtataas kami ng presyo nang limang piso bawat litro,’ at wala na tayong magagawa kundi magbayad,” ani Tulfo.
Dagdag pa niya, palalakasin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) upang hindi na magkaroon ng biglaang pagtaas ng presyo. “Kailangan nailang ipaliwanag kung bakit sila nagtataas ng presyo sa ganoong paraan,” giit ng senador.
Binigyang-diin ni Tulfo na matagal nang isinisigaw ng transport sector ang kawalan ng kontrol sa presyo ng krudo. “Talagang umiiyak sila na parang walang habas ‘yung pagtataas ng presyo. Hindi naman maipaliwanag nang maayos bakit ganoon,” aniya.
Inihalintulad ng senador ang epekto ng Oil Deregulation Law sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), kung saan ipinapasa sa publiko ang system loss.
Bagama’t sinasabi ng mga kritiko na maliit lamang ang matitipid sa reporma, iginiit ni Tulfo na malaking bagay pa rin ang bawat pisong bawas sa gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
- Latest
























