Problema sa basura, kritikal – Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kritikal na ang problema sa basura na pangunahing dahilan ng matinding pagbaha sa Metro Manila, kaya hinikayat niya ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura.
“Kung hindi natin babaguhin ang ugali sa pagtatapon ng basura, patuloy na magbabara ang mga daluyan ng tubig at magdudulot ng pagbaha,” sabi ng Pangulo.
Sa inspeksiyon ng clearing at waste collection operations sa Diokno Pumping Station sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na ang pagtutulungan ng national government, mga lokal na pamahalaan, at publiko ang solusyon dito. Nagtutulungan na aniya ang DPWH at MMDA upang alisin ang mga basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Kasabay nito, pinamamadali rin ang paghakot ng basura sa Baclaran River upang matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha. Ayon sa ulat, nasa 16 dump trucks o katumbas ng 285 cubic meters ng basura ang nahakot ng DPWH simula pa noong Miyerkules. Nagpadala rin ng karagdagang equipment at tauhan ang DPWH at MMDA, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Parañaque, para mapabilis ang clearing operations.
Giit ni Marcos, maituturing nang may garbage crisis sa bansa dahil sa dami ng basurang bumabara sa mga ilog at estero.
Sa kabila nito, naniniwala ang Pangulo na hindi makatutulong ang pagpapataw ng dagdag multa sa mga taong hindi nagtatapon nang maayos ng kanilang basura.
Aniya, hindi naman alam ng mga tao na may multa sa maling pagtatapon ng kalat o basura.
Giit pa ni Marcos na walang sinumang magnanais na siya ay mapatawan ng multa kaya ang kailangan ay bigyan ng pasilidad ang publiko kung saan pwede itapon ang basura.
Inihalimbawa ng Presidente ang bansang Japan na hindi nagtatapon ng basura kung saan-saan ang tao at itinatago nila ito sa kanilang bulsa o pagdating sa kanilang bahay dahil mayroon silang magandang sistema sa pagtatapon ng basura.
Kung tutuusin sabi ng Pangulo ay ganun lang kasimple ang problema at ang kailangan lang ay may makitang lugar ang mga tao na pwede nilang itapon ang kanilang mga basura.
- Latest























