EDITORYAL — Basura sa mga sementeryo
NGAYONG Undas, muling dadagsa ang mga pamilya sa mga sementeryo upang magsindi ng kandila, mag-alay ng bulaklak, magdasal, at makipagkuwentuhan habang inaalala ang mga mahal sa buhay na pumanaw na.
Para sa maraming Pilipino, hindi lamang ito maikling pagbisita kundi parang reunion din ng buong pamilya.
Kasabay ng ganitong tradisyon ang malaking responsibilidad.
Handa ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa seguridad, trapiko at dagsa ng tao.
Pero kahit gaano kahusay ang paghahanda ng mga awtoridad, may obligasyon din ang bawat bisita na maging maingat sa sarili at sa kapwa.
Kabilang dito ang pagsunod sa cemetery rules, pag-iingat sa mga bata at matatanda sa gitna ng siksikan, pag-alam sa traffic rerouting, at pagtiyak na ligtas ang bahay na maiiwan.
Pero may isa pang responsibilidad na madalas nakakalimutan pagkatapos ng pagdalaw: ang paglilinis.
Taun-taon, naiiwan sa mga sementeryo ang plastic cups, food containers, leftovers at iba pang basura pagkatapos ng Undas gatherings.
Kaya muling nananawagan ang EcoWaste Coalition ngayong taon para sa eco-friendly at zero-waste na paggunita ng Undas.
Hindi naman mahirap magsimula.
Maaaring gumamit ng reusable containers, magdala lamang ng sapat na pagkain, iwasan ang sobrang single-use plastic at mag-uwi ng sariling basura kung puno na ang basurahan.
Noong nakaraang Undas 2025, ilang trak na punumpuno ng basura ang nakuha sa Manila North Cemetery. Karamihan sa mga basura ay mga plastic o non-biodegradable materials. Kung hindi hahakutin agad ang mga basurang plastic, ang mga ito ang magbabara sa daluyan ng tubig na sanhi nang grabeng pagbaha. Humahantong sa estero ang mga basurang plastic at saka aanurin sa dagat.
Ang sementeryo ay lugar ng alaala at paggalang, hindi tambakan pagkatapos ng reunion.
Hindi nasusukat ang pagmamahal sa yumao sa rami ng kandila, bulaklak o pagkaing dinala.
Kasama sa tunay na paggalang ang pag-iingat sa mga buhay at pag-uwi nang walang iniwang kalat o basura sa himlayan ng mga mahal sa buhay. Maalala sana ito sa susunod na paggunita sa Araw ng mga Patay.
- Latest















