^

PSN Opinyon

Bilyun-bilyong gastos, zero utang: Paano nagawa ng QC?

PULSOhan - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

Kamakailan, naging viral ang balitang walang utang ang Quezon City sa kabila ng bilyun-bilyong pisong badyet, malalaking proyekto, at malawak na serbisyong publiko. Sa panahong may mga lokal na pamahalaang nahaharap sa mabibigat na obligasyong pinansyal, may mahalagang aral dito: posibleng maghatid ng kaunlaran nang hindi ­kinakailangang mangutang. Paano ito nagawa ng QC, at ano ang maaaring matutuhan ng ibang LGU?

Hindi naman nagsimula ang QC na walang utang. Nang maupo si dating Mayor at House Speaker Sonny Belmonte Jr. noong 2001, humarap ang lungsod sa P1.25 bilyong utang sa bangko, bukod pa sa iba pang obligasyon. Sa pamamagitan ng fiscal discipline, mahusay na revenue collection, at responsableng paggastos, nabayaran ang utang sa bangko pagsapit ng 2006. Higit sa lahat, nakapagtatag siya ng matibay na pundasyong pinansyal.

Ngayon, ipinagpapatuloy ni Mayor Joy Belmonte ang prinsipyong ito. Ayon sa mga iniulat na datos, may humigit-kumulang P489 bilyong assets ang QC at zero outstanding debt. Umabot sa P45.5 bilyon ang iniulat na badyet para sa 2026, kasabay ng pagpapalakas ng sariling kita ng lungsod.

Kapansin-pansin na hindi isinakripisyo ang serbisyo upang mapanatiling walang utang ang QC. Patuloy ang pamumuhunan sa imprastraktura, kalusugan, edukasyon, social services, at flood control. Nariyan ang Libreng Sakay, na nakapagtala ng mahigit 51 milyong passenger trips, kasama ang pagpapalawak ng digital government services.

Mahalaga rin ang pananagutan sa kaban ng bayan. Nakatanggap ang QC ng anim na magkakasunod na Unmodified Opinions mula sa Commission on Audit. Ipinakikita nito ang kahalagahan ng maayos na financial reporting. Hindi hadlang ang disiplinang pinansyal sa malalaking proyekto; maaari itong maging pundasyon ng mas malawak at sustenableng serbisyo.

Dito maaaring humugot ng inspirasyon ang ating mga gobernador at mayor. Hindi kailangang maging kasingyaman ng QC upang magsimula. Ang mahusay na pangongolekta ng kita, tamang prayoridad, disiplinadong paggastos, at transpa­rency ay mga prinsipyong maaaring isabuhay ng anumang LGU.

May mahalagang ugnayan ang mga kontribusyon nina SB at Mayor Joy Belmonte. Ang una ay tumugon sa minanang utang at naglatag ng pundasyong pinansyal. Ang ikalawa ay nagpapatuloy sa pagpapanatili ng katatagang ito habang pinalalawak ang serbisyo. Magkaiba ang kanilang panahon, ngunit may aral sa pagpapatuloy ng mabuting pamamahala.

Ang aral ng QC: Hindi kailangang malunod sa utang upang umunlad. Ang tunay na yaman ng isang lungsod ay hindi lamang nasusukat sa laki ng kaban, kundi sa ginhawang naibibigay sa mamamayan—nang hindi isinasangla ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

QUEZON CITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with