EDITORYAL - P50-M reward kay Bato
NAG-ALOK kamakailan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P50 milyong reward para sa impormasyon na makapagtuturo kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Pinaghahanap si Bato kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC). Kabilang si Bato sa inisyuhan ng warrant kaugnay sa kasong crime against humanity noong siya pa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte.
Una nang naaresto si Duterte noong Marso 2025 at ngayon ay nakapiiit sa headquarters sa ICC headquarters sa The Hague, The Netherlands.
Nagtago si Bato makaraang kumalat ang balitang aarestuhin na siya. Anim na buwan siyang nag-absent sa Senado pero lumutang noong Mayo 13, 2026 nang magpapalit ng liderato sa Senado. Nagkaroon ng barilan sa Senado nang tangkaing arestuhin si Bato. Noong madaling araw ng Mayo 14, nakita sa CCTV ang pagtakas ni Bato nang sumakay sa SUV ni Sen. Robin Padilla. Sabi naman ni Padilla, nakisakay lamang sa kanya si Bato.
Hanggang ngayon, hindi pa alam ang kinaroroonan ni Bato. Sabi ng Malacañang, makabubuting sumuko na si Bato bago pa dumanak ang dugo.
Maaaring makatulong ang pabuya para makakuha ng bagong impormasyon. Pero hindi dapat ito maging kapalit ng mahusay na intelligence at enforcement.
Lalong mahalagang itanong ito dahil sinabi na rin noon ni DILG Secretary Jonvic Remulla na umano’y pinuprotektahan si Bato ng isang armed group at kailangang maging maingat ang operasyon upang maiwasan ang karahasan.
Kung may impormasyon na ang mga awtoridad tungkol sa posibleng kinaroroonan at mga taong umano’y nagpoprotekta sa isang wanted person, dapat malinaw kung ano pa ang inaasahang maidagdag ng P50 milyong reward.
Hindi ibig sabihin nito na walang silbi ang bounty. Matagal nang ginagamit ang reward system upang makakuha ng tips mula sa publiko. Pero sa high-profile cases, hindi dapat nakasalalay dito ang tagumpay ng operasyon.
Nandiyan ang PNP, NBI, intelligence units at iba pang ahensiya na may mandato at pondo para hanapin ang mga wanted person.
Ang mas mahalagang sukatan ay kung gaano kahusay ang koordinasyon ng mga ahensiyang ito, kung gaano kabilis nilang nabe-verify ang impormasyon, at kung naipatutupad nila ang operasyon nang naaayon sa batas at nang hindi inilalagay sa panganib ang publiko.
Ang paghuli sa isang wanted person ay dapat nakasalalay pa rin sa mahusay na intelligence, malinaw na koordinasyon at epektibong law enforcement. Ang bounty ay tulong lamang—hindi dapat maging pangunahing sandata ng estado.
- Latest

















