^

PSN Opinyon

‘La Union river restoration: Flood control o pagmimina?’

GO NORTH - Artemio Dumlao - Pilipino Star Ngayon

Flood control ang pangunahing katwiran ng mga opisyal sa likod ng isinusulong na river restoration sa La Union.

Ngunit sa likod ng pangakong proteksiyon laban sa baha, dapat sagutin kung ang paghuhukay ba sa mga ilog ay tunay na solusyon sa pagbaha, o may iba pang interes na nakasakay sa proyekto?

Kulang ang mga pahayag ng mga opisyal upang pawiin ang pangamba ng publiko. Kailangan ang mga dokumento, siyentipikong pag-aaral at malinaw na paliwanag kung paano makatutulong sa flood control ang bawat proyekto, at kung ano ang mangyayari sa mga materyales na huhukayin mula sa mga ilog.

Kabilang sa mga lugar na planong i-dredge ang Bauang, Baroro sa Bacnotan, Amburayan sa Sudipen at Balili sa Agoo. May mga alegasyong nag-uugnay sa dredging ang komersiyal na pagkuha ng buhangin para sa offshore extraction.

Hindi pa sapat ang impormasyong inilatag upang patuna­yang pagmimina ang tunay na layunin, ngunit hindi rin dapat balewalain ang mga tanong tungkol sa posibleng pakinabang sa mga negosyante at iba pang interes.

Noong October 12, 2026, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng La Union, katuwang ang DENR-Mines and Geosciences Bureau Region I, ng pagsasanay sa mga batas at ordinansa sa pagmimina para sa 24 na kinatawan ng mga lokal na pamahalaan at enforcement units. Samantalang hindi ito patunay ng iregularidad sa proyekto, lalong pinatitingkad nito ang pangangailangang tiyaking nasusunod ang mga batas at regulasyon. Dapat malinaw kung sino ang mga kontratista, sino ang may karapatang kumuha at magbenta ng mahuhukay na materyales, at kung kumpleto ang mga kinakailangang permit at environmental clearance.

Higit sa lahat, nasaan ang mga pag-aaral sa epekto ng dredging sa agos ng ilog, baybayin, palaisdaan at kabuhayan ng mga residente? May sapat bang konsultasyon sa mga komunidad na posibleng maapektuhan? Kung flood control ang tunay na layunin, ilabas ang mga pag-aaral at ipaliwanag kung paano susukatin ang bisa ng proyekto.

Kung may komersiyal na pagkuha ng buhangin, ilantad ang mga permit, benepisyaryo at proseso. Hindi dapat manaig ang interes ng iilan sa kaligtasan at kabuhayan ng nakararami.

Hindi sapat ang pangako ng river restoration—pananagutan, transparency at ebidensiya ang dapat iharap sa mamamayan.

•••

Para sa komento:  [email protected]

LA UNION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with