Mga gurami lang ba ang kayang hulihin?
Napangiwi ang mga labi nitong aking mga kausap hinggil sa naging pahayag nitong si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na si puganteng Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay pinuprotekhan umano ng armadong grupo sa Mindanao kung kaya’t libu-libong buhay ang maibubuwis kung pipilitin itong pasukin. Maging pala itong si Pit Master Charlie ‘Atong’ Ang ay nakalabas na ng bansa sa pamamagitan ng back door. Dios ko naman, Sir!
Noong tumakas itong si Dela Rosa sa bakuran ng Senado ang pahayag n’yo ay tukoy na ang pinagtataguan nito, subalit ngayon ay tila umurong na ang bayag para isilbi ang Warrant of Arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC). Maging itong si Atong Ang ay pinangangalandakan nyo na nasa bansa pa, subalit ngayon ay ipinahayag nyo na nakalabas na ito ng bansa sa pamamagitan ng back door. Ang tinutukoy ba ninyo na sa katubigan na naman ng Mindanao? Tinatanong lang po iyan nitong aking mga nakausap. Kaya’y tuloy bumaba ang pagtingin nitong ilan nating mga kababayan sa mga accomplishment ng Law Enforcement ng bansa dahil lumalabas na mga ‘Bubuwet at Gurame’ lamang ang kayang hulihin. Paano naman maibabalik ang tiwala ng taong bayan sa Law Enforcement ng bansa kung ang mga kilala at makapangyarihan kriminal ay ‘di mapapasok sa rehas na bakal. Puro na lamang umano pa-pogi points ang naipapamalas sa madlang pipol subalit pagdating sa paghagupit sa mga ma-impluwensyang tao ay bokya. Hehehe!
Hindi pa kasi nabubura sa isipan ng mga kababayan natin ang pagtatago ni dating Ako Bicol Partylist congressman Zaldy Co na noon ay pinahayag nyo na alam na alam na ang pinagtataguan nito sa ibang bansa subalit lumawak nang lumawak ang eskandalo sa Flood Control Project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay wala paring Zaldy Co ang naipababalik sa bansa. At ngayon naman ay itong pagtukoy sa mga ibolbadong personalidad na inuugnay sa 521 kilos ng shabu na na-intercept sa bansang Laos, ipinagsisigawan na naman ang mga pangalan at pagkakilanlan sa mga ito subalit umamin naman kayo na wala pang kasong naisasampa dahil patuloy pa rin kayong nangangalap ng mga ebidensiya. Hehehe!
Kaya’t ang pananaw nitong aking mga kausap, malaking tsansa na naman na makapagtago o mangibang bansa ang mga ito dahil sa mga pagbubulgar na hindi pa naman naisasampa ang kaso. Sa panahon ngayon, ang kailangan ng madlang npipol ay mapanagot ang mga imbulbado sa pagpapasok ng droga sa bansa at maging itong mga pugante na sina Bato, Co at Atong ay mahuli at maiharap sa madlang pipol bilang pruweba na nagtatrabaho kayo. Mga Balyena naman ang bingwitin kahit paminsan-minsan lang. Abangan!
- Latest




















