^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Content ng internet di dapat pagkakitaan

Pilipino Star Ngayon

HINDI lahat ng mga mararahas, bayolente at mapaminsalang content sa internet ay kayang mabura. May kasabihan nga na “Once it’s on the internet, it’s there forever”. Pero hindi ibig sabihin na kailangan pa itong tulu­ngan ng algorithm na kumalat at pagkakitaan.

Sa senate hearing kahapon (Setyembre 11), iminungkahi ng Movie and Television Review­ and Classification Board (MTRCB) ang isang “do not amplify” policy para sa marahas at sex­ually graphic na content sa social media. Kabilang dito ang hindi pag-autoplay o pagrekomenda ng ganitong videos at pag-demonetize dito o pag-alis ng pagkakataong pagkakitaan ang mga ito.

Napapanahon ang usapin kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang school shooting sa Zamboanga City noong Agosto. Iniulat na nag-livestream pa ang Grade 8 student na sangkot sa insidente.

Pero dapat maging maingat sa pag-uugnay ng karahasan sa social media o video games. Hindi sapat ang isang insidente upang sabihing ang napanood o nilaro online ang direktang dahilan ng isang krimen.

Gayunman, may punto ang panukalang huwag i-amplify ang mapaminsalang content. May pag­kakaiba sa pagitan ng isang video na basta na­ka-upload sa internet at isang video na mismong platform ang paulit-ulit na inirerekomenda sa users. Kapag maraming nanonood, nagko-com­ment at nagse-share, maaari pa itong itulak ng algorithm sa mas maraming tao.

At kung nakikita ng iba na maaari itong pag­kakitaan, nagkakaroon din ng insentibo ang ilan na gumawa ng mas nakagugulat na content para lamang makahakot ng views. Mas mala­king prob­lema ito kapag mga bata ang nakakatanggap ng ganitong materyal. Kaya makatwiran ding pag-aralan ang mas mahigpit na age restrictions sa graphic content at dagdag na safeguards sa livestreaming.

Ngunit dapat malinaw ang magiging batas upang maprotektahan ang mga bata nang hindi nauuwi sa malawakang censorship ng lehiti­mong balita, dokumentaryo o educational content.

Aminado rin ang MTRCB na wala sa kasalukuyang mandato nito ang online gaming at video games. Kung nais ng Kongreso na papa­nagutin ang malalaking online platform, kaila­ngan nitong magtakda ng malinaw na obligas­yon at limitasyon.

Hindi makakayang gawing malinis ang bawat sulok ng internet. Pero may isang simpleng prinsipyo na maaaring simulan: Kung mapaminsala ang content, huwag itong tulungang kumalat. At lalong huwag itong hayaan na pagkakitaan.

MTRCB

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with