ICC pandaigdigan, hindi dayuhang korte
Apat ang abogadong senador na kaalyado ni Bato dela Rosa: sina Alan at Pia Cayetano, Chiz Escudero, at Rodante Marcoleta. Wala ni isa sa kanila na nagtutuwid ng baluktot na naratibo ni Bato – na kesyo raw dayuhang korte ang International Criminal Court.
Hindi dayuhan ang ICC. Ito ay international dahil binubuo ng 160 bansang pumirma ng 1998 Rome Statute. Nagkataon lang na sa The Hague, Netherlands ang headquarters. Pero taga-iba’t ibang bansa ang mga huwes nito. Kasama ru’n sina dating senador Miriam Defensor Santiago at dating UP Law dean Raul Pangalangan.
Hindi isyu ng sobereniya ang pagdala kay Bato sa ICC. Isyu ‘yon ng pananagutan sa krimen laban sa sangkatauhan.
Ang ICC ay parang International Court of Justice. Sa ICJ dumudulog ang mga bansang may kaso sa teritoryo. Nakabase rin ito sa The Hague. Gan’un din ang Permanent Court of Arbitration, kung saan nanalo ang Pilipinas nu’ng 2016 sa kasong karagatan kontra China.
Dalawa ang humahawak ng hidwaan sa kontrata ng mga bansa: International Centre for Settlement of Investment Disputes sa New York, at International Chamber of Commerce sa Singapore.
Kung palpak ang isang international airport o airline o airplane manufacturer, maaring parusahan ng International Civil Aviation Organization, headquartered sa Montreal, Canada.
Nasa Geneva, Switzerland ang Convention on International Trade In Endangered Species. Binabantayan nito ang pagkalakal ng wild halaman at hayop.
Mula sa Geneva nagtatakda ang International Labor Organization ng patakaran sa paggawa. Mula sa Rome nagbabantay ang Food and Agriculture Organization sa kalakal ng pagkain.
Pakipaliwanag lang kay Bato: hindi dayuhan kundi pandaigdig ang International Rice Research Institute sa Los Baños, Laguna.
- Latest
















