Tanong tungkol sa high blood
1. Doc, totoo po ba na nakaka-high blood ang pagtulog sa tanghali? Sabi kasi ng kaibigan ko sa akin.
Sagot: Hindi totoo. Parang binibiro ka ng iyong kaibigan na nagsabi nito. Baka ayaw ka niyang matulog sa tanghali.
Para sa lahat: Walang koneksyon ang high blood sa pagtulog. Ang pagtulog ay nagpapalakas ng katawan at resistensya. Sa katunayan, kapag kulang ka sa tulog, puwede kang ma-stress at ito ang magdulot ng high blood pressure.
Ang sanhi ng high blood ay ang lahi sa pamilya, paninigarilyo, kulang sa ehersisyo at pagkain ng matataba at maaalat.
2. Ano ang dapat gawin ng may high blood? High blood na ba ako?
Sagot: Kapag ang blood pressure mo ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may high blood ka na. Ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 140 over 90. Ang pinakamainam na blood pressure ay mga 120 over 80.
Ngunit kapag lampas sa 160 over 100 ang iyong presyon o may sintomas ka nang nararamdaman, kailangan mo nang uminom ng gamot sa high blood pressure.
Heto ang dapat mong baguhin sa iyong pamumuhay: (1) Magbawas ng timbang. Kapag ikaw ay overweight, mas tataas ang iyong blood pressure. (2) Magbawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa paggamit ng asin, toyo, patis at bagoong. (3) Mag-ehersisyo ng 3 hanggang 5 beses bawat linggo. (4) Ihinto ang paninigarilyo at pag-inom ng alak. (5) Magbawas sa stress. Good luck po.
- Latest















