EDSA naparalisa sa INC ‘surprise rally’
Habang libu-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang nagtipon sa EDSA upang ipakita ang suporta kay Sen. Rodante Marcoleta, sa mga ordinaryong motorista hindi paniniwala o politika ang nangingibabaw kundi inip, pagkaubos ng oras at pasensiya sa kalsada.
Maraming empleyado ang hindi nakapasok at marami ang na-late, ilang delivery drivers ang hindi nakatapos ng biyahe. Ang trapik na tumagal ng maraming oras ay nagdulot ng matinding stress sa mga pasahero at driver. Tumaas din ang konsumo ng gasolina at pamasahe, na dagdag pasanin sa bulsa ng mga commuter. Ang pagkaantala ng mga empleyado at kargamento ay nagdulot ng pinsala sa operasyon ng mga kumpanya.
Ang “emergency” rally ng INC ay suporta kay Marcoleta, na nahaharap sa kasong plunder. Tinawag nila itong “selective justice” at nanawagan ng transparency at patas na proseso. Sinabi ni Marcoleta na ang plunder na isasampa ng Ombudsman laban sa kanya ay para pigilan siyang makalahok sa impeachment trial ni Vice Pres. Sara Duterte na magsisimula na sa Hulyo 6.
Kilala ang INC sa kanilang bloc voting. Ang pagtitipon ay nagsisilbing paalala sa mga politiko na hindi maaaring balewalain ang kanilang impluwensiya. Matatag naman ang paalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang hustisya ay hindi sa kalsada, kundi sa korte.
Kung hindi maingat, ang ganitong uri ng mobilisasyon ay maaaring magbunga ng mas malalim na banggaan - relihiyon laban sa estado, masa laban sa batas. Kung ang EDSA ay simbolo ng People Power, naging simbolo rin ito ng powerlessness ng mga ordinaryong tao sa harap ng malalaking puwersa.
Ang hamon ngayon sa gobyerno ay paano igagalang ang karapatan sa pagtitipon nang hindi isinasakripisyo ang karapatan ng publiko sa maayos na biyahe.
- Latest















