Enjoy lang kahit kulang sa pera
Katapusan na naman sa Miyerkules! Amoy sahod pa lang, amoy bayad-utang na agad!
May nakausap akong kuya driver sa terminal. Kakabilang lang ng kita, P500 na lang natira. Pambigas pa, baon pa ng anak, pamasahe pa bukas.
Sabi ko, “Kuya, pagod ka na, nakatawa ka pa?”
Ngumiti siya, “Father, kung hindi ako tatawa, sino pa? P500 na lang ito, kung poproblemahin ko pa, lalo akong malulugi.”
Natauhan ako.
Ganito tayong mga Pinoy. Amoy sahod pa lang sa Miyerkules, amoy bayad-utang na agad. Kakapasok pa lang sa GCash, may nakaabang nang singil sa tindahan, sa tuition, sa paluwagan.
Nakakapagod. Pero kapatid, hindi nasusukat ang halaga mo sa laman ng pitaka mo.
Ang Pilipino sanay sa kulang, pero hindi sanay sumuko. Kulang sa sahod pero sobra sa diskarte. Kulang sa budget pero sobra sa pagmamahal sa pamilya.
Ang tunay na yaman hindi sa kapal ng wallet, kundi sa pagiging tapat at masipag. Hindi ka marupok dahil gipit ka. Matatag ka nga, kasi kahit gipit ka, lumalaban ka pa rin.
Pangalawa, normal ang kabahan sa pera. Sa psychology, tawag diyan ay money anxiety. Hindi ka makatulog, kumukulo ang tiyan ‘pag may naniningil.
Anong gamot? Maglista. Hindi ng utang, kundi ng MERON ka pa.
Meron ka pa bang pamilyang umuuwi? Meron ka pa bang kalusugang lumalaban? Meron ka pa bang pananampalatayang kumakapit? Hindi ‘yan nababayaran ng pera.
Pangatlo, tawanan mo na lang minsan. ‘Yung utang parang multo. Tahimik sa umaga, pero ‘pag gabi na, biglang nagpaparamdam. Nagti-text. Tumatawag. Nangungumusta kunwari pero naniningil pala.
Pero kung iiyak mo lang, madaragdagan lang kulubot mo, hindi ang pera mo.
Kaya kung gipit ka ngayon, dasalin mo ito: “Lord, hindi ko po alam kung paano, pero alam ko pong nandyan Kayo.”
Sabi sa Hebreo 13:5, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Hindi Niya sinabing yayaman ka agad, pero sinabing hindi ka Niya iiwan habang wala ka pa.
Kaya kapatid, kahit kulang sa pera, huwag mawalan ng pag-asa. Ang pera nauubos, ang Diyos hindi. Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal.
- Latest




















