Dy, walang uurong sa laban kontra diskriminasyon
HINDI uurong si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa panawagang itaguyod ang isang lipunang pantay ang tingin sa bawat Pilipino, anuman ang kanilang pagkakakilanlan.
Kasabay ng pagdiriwang ng Pride Month, diretsahang iginiit ni Dy na panahon nang tuldukan ang diskriminasyon at pangmamaliit. Aniya, walang puwang sa isang makatarungan at makabagong bansa ang paghusga sa tao dahil lamang sa kanyang identidad.
Sa kanyang video message para sa Isabela Pride Festival, sinabi ng lider ng Kamara na ang Pride Month ay hindi lang simpleng selebrasyon kundi pagkilala sa tapang ng bawat isa na maging totoo sa sarili.
Mariing diin pa ng House Speaker, hindi dapat maranasan ng sinuman ang diskriminasyon o pangmamaliit dahil ang paggalang sa dignidad ng tao ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat Pilipino.
Ayon kay Dy, anuman ang pinagmulan, paniniwala o pagkakakilanlan, may lugar ang bawat isa sa lipunan at nararapat lamang na mabigyan ng patas na oportunidad upang umasenso.
Iginiit din ng beteranong lingkod-bayan na ang tunay na pagkakapantay-pantay ay hindi lamang salita kundi pagkilos—ang pagtiyak na bawat Pilipino ay nakikita, naririnig, iginagalang at nabibigyan ng pagkakataong maabot ang kanilang mga pangarap nang walang takot sa diskriminasyon.
Aniya, kapag malayang naipapakita ng bawat isa ang kanilang tunay na sarili at naiaambag ang kanilang talento, mas nagiging matatag, mahabagin at nagkakaisa ang buong komunidad.
Binigyang-diin pa ni Dy na nagsisimula ang pagkakapantay-pantay sa pag-unawa, lumalago ang pagtanggap sa pamamagitan ng malasakit, at nabubuo ang tunay na pagkakaisa kapag kinikilala ang dignidad at pagkatao ng bawat isa.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, bumati si Dy sa LGBTQIA+ community at hinikayat ang lahat ng Pilipino na makiisa sa pagbuo ng isang mas inklusibo, patas at mahabaging kinabukasan para sa lahat.
- Latest
















