^

PSN Opinyon

4 Mabisang tips sa kalusugan

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

1. Kumain ng mas kaunting pagkain.

Maraming mga pag-aaral ang nagpakita na ang pagba­bawas sa pagkonsumo ng calories ay nagpapahaba ng buhay. Ayon sa teorya sa pag-diyeta, ang pagkain ng mas kaunting pagkain (20% na mas kaunti) ay maaaring mabawasan ang dami ng pamamaga sa mga daluyan ng dugo at maaaring bawasan ang dami ng mga lason sa katawan. Kahit sa panahon ng Bibliya, ang pag-fasting at pag-iwas sa ilang mga pagkain ay hinihikayat.

2. Subukan ang Mediterranean Diet.

Ang Mediterranean diet ay binubuo ng gulay, prutas, beans, mani at olive oil. Ang mga isda at manok ay kina­kain din ng katamtaman. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang mga taong kumonsumo ng Mediterranean diet ay ma­kaiiwas sa sakit sa puso at Alzheimers Disease. Sa katunayan, itinuturing ito ng ilang mga eksperto bilang pinaka-masustansyang diyeta.

3. Piliin ang masustansyang fats.

Mayroong 2 uri ng taba (fats): ang masustansya at hindi masustansyang taba. Ang mga hindi masustansyang taba (saturated fats at trans-fatty acids) ay nagdudulot ng sakit sa puso. Ang saturated fats ay matatagpuan sa mantikilya, creams, at taba ng baboy at baka. Ang trans fats ay mata­tagpuan sa margarines at cooking oil at mga pagkaing du­maan sa proseso kagaya ng biscuits. Tingnan ang label at subukan bawasan ang pagkain nito. Sa kabilang dako, ang masustansyang fats ay matatagpuan sa mani, abokado at matatabang isda katulad ng salmon, sardines, mackerel at tilapia. Kung mamimili, piliin ang low-fat milk at low fat na mga palaman. Alisin ang mga nakikitang taba bago ito lutuin.

4. Panatilihin ang kalinisan sa ngipin.

Ang pagkakaroon ng sakit sa gilagid ay nauugnay sa sakit sa puso at sa katunayan ay maaaring magpa-ikli ng buhay. Pinaniniwalaan na ang pamamaga sa gilagid ay nauugnay sa pamamaga din ng mga arteries o ugat sa puso. Ang impeksyon sa bibig ay maaaring humantong sa delikadong impeksyon sa balbula (valve) ng puso. Mag-sepilyo ng ngipin 3 beses kada araw. Gumamit ng panlinis ng dila para matanggal ang bakterya sa dila. At mag-floss din araw-araw.

* * * * *

Magpapayat ng Tamang Paraan

1. Sa mga nanay, sa palengke pa lamang piliin ang mga karne na konti lang ang taba. Ihiwalay ang taba sa laman bago pa ito iluto.

2. Mas healthy ang pag-ihaw at pag-steam ng pagkain kaysa sa laging pag-prito sa mantika. Puwede mag-ihaw ng karne o mag-steam ng mga gulay tulad ng talong, okra at talbos. Kung gusto ng healthy na sawsawan sa gulay, subukan ang suka, na nakapapayat pa.

3. Sa paggamit naman ng mantika, konti lang ang ilagay. Tandaan natin na may calories ang mantika at puwede itong magpataas ng inyong kolesterol.

4. Sa pagtimpla ng pagkain, hinay-hinay lang sa paglagay ng asin. Ang asin ang kalaban ng mga may altapresyon at may sakit sa puso. Kapag sobra ka sa asin puwede kang mag-high blood at magmamanas pa ang inyong paa.

5. Kapag naghahanda ng pagkain, bumili nitong maliit na plato. Ito iyung 9 inches na plato at huwag bumili ng 12 inches. Kailangan masanay ang ating pag-iisip na konti lang ang iyong isasandok na pagkain.

6. At kung ano ang inilagay mo sa plato, iyon lang ang kainin. Bawal ang dukut-dukot o second serving. Mga nanay, huwag piloting ubusin ang tirang pagkain. Tataba kayo niyan.

7. Bago mag-umpisa kumain, puwede ka munang uminom ng 1 basong tubig para mabusog ka ng kaunti. Puwede ding uminom ng clear soup. Kapag umiinom tayo ng mga likido, medyo nakukumbimsi natin ang ating utak na nabubusog na tayo.

8. Magbawas sa pagkain ng kanin. Kung dati at 2 cups ng kanin ang kinakain, gawin na lang 1 cup rice.

9. Huling payo. Dahan-dahanin lang ang pagpapapayat. Huwag gutumin ang sarili. Kumain ng pakonti-konti sa buong araw, tulad ng mansanas, saging o pandesal, para laging may lamang ang inyong tiyan. Good luck po.

PAGKAIN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with