Enjoy lang maski “huli”
Huling Sabado na ng Nobyembre ngayon.
Huling araw ng ordinary time.
Huling araw ng liturgical calendar ng simbahan.
Kapag narinig natin ang salitang “huli,” nalulungkot tayo. Huli na ba ako? Huli na ba ang lahat? Pero sa Diyos, ‘pag dumating ang “huli” - ang wakas - may darating na “bago”!
Bukas, Advent na! Bagong umpisa. Bagong pag-asa. Ano ba ang bago na gusto mong umpisahan?
Si Colonel Harland Sanders, ang founder ng KFC. Sa edad na 65, wala na siyang pera. Nagretiro na siya. Ang natitira lang sa kanya ay 105 dollars na pensyon at isang recipe ng pritong manok. Matanda na. Tapos na ang laban. Pero hindi siya sumuko.
Naglakbay siya ng libu-libong kilometro, kumatok sa mahigit isang libong restaurant, at halos lahat ay tumanggi sa kanya. Pero sa pang-1,010 na pagtatangka, may isang tumanggap. At doon nagsimula ang KFC.
Ang taong akala ng lahat ay huli na, siya pa ang naging una. Ang taong akala ng lahat ay tapos na, siya pa ang nagtagumpay.
Ganyan din ang sinasabi sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon, sa Lucas 21:34-36. Sabi Niya, “Mag-ingat kayo. Magbantay kayo. Magdasal kayo.” Bakit? Kasi ang wakas, hindi dapat katakutan. Dapat paghandaan.
Mag-ingat, huwag malunod sa bisyo at problema. Magbantay, huwag tulugan ang kaluluwa. Magdasal, huwag bitawan si Lord. Ang taong nagdarasal, hindi natatakot sa “huli.” Kasi alam niya, ang huli ay pinto lang papunta sa bago.
Sabi ng psychology, may tinatawag na fresh start effect. Kapag may bagong simula - bagong buwan, bagong taon, bagong Advent - mas malakas ang loob nating magbago. Kaya gamitin mo ito. Huwag mong sabihing, “Bukas na lang.” Sabihin mo, “Ngayon na.”
Manalangin po tayo. Panginoon, akala ko po huli na ako. Pero ngayon, naniwala po ako: Hindi pa huli. Turuan N’yo po akong mag-ingat, magbantay, at magdasal. Sa pagtatapos po ng Liturgical Year na ito, binubuksan ko po ang puso ko sa bagong simulang ito. Sa panahon na naging huli ako, sinamahan N’yo pa rin po ako. Kaya ngayon, may bagong simula po ako. Amen.
- Latest


















