EDITORYAL - Dumarami ang krimen, pero walang pulis sa kalye
Sa pagtaas ng presyo ng petroleum products, kasabay ding dumami ang mga nangyayaring krimen hindi lamang sa Metro Manila kundi sa marami pang lungsod at bayan sa buong bansa.
Kaliwa’t kanan ang panghoholdap at pagnanakaw. Ang matindi, pagkatapos holdapin ang biktima ay binabaril pa hanggang mamatay. Nangyayari ang panghoholdap at pagpatay sa karamihan ng mga tao. Wala nang takot ang mga kriminal ngayon na kung kailan nila magustuhang magnakaw at pumatay ay isinasagawa.
Isang dahilan kung bakit malakas ang loob ng mga kriminal ay dahil wala namang nakikitang mga pulis na nagpapatrulya sa kalye. Simple, kung wala ang pusa, libre sa paglalaro ang mga daga.
Noong madaling araw ng Marso 15, 2026, hinoldap at pinatay ang isang retiradong pulis sa Balut, Tondo, Maynila. Napatay si Lt. George Capistrano na dating miyembro ng security ni Manila Mayor Isko Moreno. Sinundan ng riding-in-tandem si Capistrano habang sakay ng motorsiklo. Nang makarating sa tapat ng kanyang bahay si Capistrano, binaril siya ng isa sa mga lalaki. Kinuha ng gunman ang mga alahas ni Capistrano. Mabilis na tumakas ang mga lalaki. Wala ni isa mang pulis sa kalye nang mangyari ang krimen.
Noong Marso 17, sumuko ang driver ng motorsiklo makaraang mag-offer ng pera si Moreno. Noong Martes, naaresto ang gunman na si Albert Magdaraog, 27, habang nasa lodging house sa San Pedro, Laguna. Kasamang inaresto ang live-in partner ni Magdaraog. Sabi ni Moreno, nakamit na ni Capistrano ang hustisya dahil sa mabilis na paglutas sa kaso. Tama naman si Moreno, pero naiwasan sana ang malagim na kamatayan kung may mga pulis na nagpapatrulya sa kalye lalo na sa gabi.
Sa isang karinderya sa Antipolo City, kumakain ng hapunan ang magkasintahan nang biglang tabihan ng isang lalaki at tinutukan ng baril. Natangay ang cell phones at pera ng magkasintahan. Walang anumang tumakas ang holdaper. Naiwang nakatulala ang magkasintahan. Iglap lang, nanakawan sila.
Isang estudyante naman na naglalakad ang hinoldap ng riding-in-tandem. Sapilitang kinuha ang kanyang laptop at cell phone. Maski ang mga nakaparadang motorsiklo ay walang anumang ninanakaw. Laganap din ang basag kotse at nililimas ang laman sa loob.
Sa kabila ng mga nangyayaring krimen, walang pulis na nagpapatrulya sa kalye para mapigilan ang mga kawatan at kriminal. Nagpapalamig ba sa malamig na opisina ang mga pulis. Kailangan ng mamamayan ang proteksiyon lalo sa panahong ito na tila asong ulol na ang mga kriminal.
- Latest















