EDITORYAL – Tapyasan ang excise tax
Wala nang pinakamabuting paraan kundi suspendihin ang ipinapataw na excise tax sa petroleum products. Ito lamang ang tanging paraan para bumaba ang presyo ng gasoline, diesel at kerosene. Noong Martes, nagpatupad ng big time oil price hike ang mga kompanya ng langis: P7-13 sa gasoline at P17-24 sa diesel. Sa susunod na Martes ay mayroon namang pagtataas sa presyo ng petroleum products.
Sinamantala naman ng 55 switik na gasoline stations ang pagtataas. Kahit wala pang inaanunsiyo ang Department of Energy (DOE) nagpatupad na agad sila. Naging inutil naman ang DOE sapagkat hindi nabantayan ang mga suwitik at linta. Sabi ng mga jeepney drivers, wala na silang naiuuwing kita sa pamilya sapagkat napunta lamang sa diesel.
Humihiling ang jeepney operators, na dagdag P2 sa pamasahe. Sa kasalukuyan, P13 ang minimum fare sa jeepney. Humihirit din naman ng taas pasahe sa mga bus. Masyado na umanong apektado ang kanilang kinikita sa ipinatupad na big time oil price hike. Kung magtutuluy-tuloy ang kaguluhan sa Middle East, lalo pang tataas ang petrolyo at walang ibang apektado kundi ang mga mahihirap.
Tiyak nang magsisitaasan ang mga pangunahing bilihin kapag nagpatuloy ang serye ng oil price hike. Kamakalawa, nag-anunsiyo na ang Meralco na magtataas sila ng singil ngayong Marso.
Sa nangyayaring ito, tanging ang pagsuspinde o pagtapyas sa ipinapataw na buwis sa petrolyo ang paraan para bumaba ang gasoline, diesel at kerosene. Wala nang iba pang paraan.
Ayon sa mga eksperto, kapag tinapyasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo, ang bawat litro ng gasoline ay magiging P10 at ang diesel ay P5. Malaking kabawasan ito at mapapagaan ang pasanin ng mamamayan.
Pero sabi ng Malacañang, kailangan pang dumaan sa Kongreso ang pagtapyas sa excise tax. Noong Lunes, ipinadala ng Malacañang ang request sa Kongreso para bigyan siya ng emergency powers para matapyasan ang excise tax.
Sa Lunes pa umano malalaman ang sagot ng Kongreso sa hinihinging emergency powers.
Hindi naman dapat patagalin pa ng Kongreso ang pagkakaloob ng emergency powers sa Presidente. Dapat umaksiyon agad ang Kongreso. Nakasaad naman sa TRAIN Law na kapag umabot sa $80 bawat bariles ng langis, awtomatik na suspendido na ang excise tax.
Madaliin sana ang pagbibigay ng emergency powers. O kung ayaw nilang tapyasan ang excise tax, bigyan ng fuel subsidy ang mga drayber ng pampublikong sasakyan.
- Latest















