“Buhay na buhay ang sugalan sa Nueva Ecija”
MANILA, Philippines — Iisa ang linya ng mga awtoridad na diumano’y kontrolado na raw ang ilegal na sugal sa Nueva Ecija.
May mga litrato ng operasyon, may talaan ng mga nahuli, at may pangakong paiigtingin pa ang kampanya.
Sa papel, maayos ang kuwento. Ngunit sa mismong mga barangay, ibang realidad ang nakikita at nararanasan ng mga residente.
Hindi nagtatago ang mga “bookies”. Hindi palihim ang mga peryahan-sugalan o pergalan. Sa ilang lugar sa Cabanatuan at San Jose City, lantaran ang pagtaya—parang isa na lamang itong karaniwang hanapbuhay. May mga kubrador na malayang umiikot at may mga puwestong tila permanente na ang pagkakatayo.
Kung totoong nasusugpo na ito, bakit tila hindi nababawasan ang operasyon? Bakit paulit-ulit ang parehong mga mukha sa likod ng mga mesa?
Mas nakakabahala ang mga usap-usapan tungkol sa isang alyas na “Kap Hermie”, at mga alipores nitong “Naldy”, “Ton-ton” na umano’y nag-uugnay sa mga operator at sa mga dapat nagpapatupad ng batas.
Maaaring itanggi ito ng ilan, ngunit may isang lohikal na tanong: lalawak ba ang ganitong operasyon kung walang proteksyon? Hindi magtatagal ang mga iligal na puwesto kung walang nagbubulag-bulagan o, mas masahol, nakikinabang.
Ang pinakamasakit, ang komunidad ang nagdurusa. Ang sugal ay hindi simpleng aliwan; ito’y mabilisang pag-ikot ng pera na kadalasa’y nauuwi sa pagkakautang, alitan sa pamilya, at pagkasira ng tiwala. Habang may kumikita sa itaas, may pamilyang nababaon sa ibaba.
Hindi sapat ang paminsang hulihan ng maliliit na kubrador o sugarol upang masabing umaksyon ang mga awtoridad. Kung seryoso ang kampanya, dapat imbestigahan hindi lamang ang nasa lansangan kundi pati ang mga nasa likod ng operasyon.
Mas mabigat ang pananagutan sa batas at sa taumbayan ang sinumang nagbibigay-proteksyon—anumang posisyon o impluwensiya ang kanilang taglay.
Ang laban kontra ilegal na sugal ay hindi lang usapin ng batas, kundi usapin ng integridad at tunay na pagpapatupad ng batas at sinumpaang tungkulin ng mga tagapagpatupad nito.
Hangga’t may nakikinabang at nananahimik, mananatiling buhay ang iligal na sugal sa Nueva Ecija.
—
Para sa komento: [email protected]
- Latest



















