Palpak sa counter, pero ikaw ang bayad
May mga eksena sa airport na kahit gaano ka kaayos, parang kriminal ka pa rin ang trato. Kumpleto ka sa papeles, may tiket ka, may visa ka pero dahil sa paimbestigang walang malinaw na basehan, bigla kang offloaded.
Iyak ka na lang, lipad na ang eroplano, lipad din ang ipon mo. At ang mas masakit? Wala kang kasalanan, pero ikaw ang gumastos.
Dito papasok si Sen. Raffy Tulfo diretsong kumakasa, walang paliguy-ligoy. Sa paghahain niya ng Senate Bill No. 1657, malinaw ang mensahe.
Tama na ang pahirap sa Pilipinong pasahero.
Kung na-delay o na-deny ka ng lipad dahil sa unjustified at pinalawig na proseso ng Bureau of Immigration, dapat ibalik ang ginastos mo. Simple. Makatarungan. Makatao.
Ayon mismo sa mga reklamong dumagsa sa opisina ni Tulfo, paulit-ulit ang kuwento inconsistent na standards, ayaw mag-review ng dokumento, at walang malinaw na paliwanag kung bakit ka pinigil.
Anti-trafficking daw oo, mahalaga ’yan. Pero hindi puwedeng gawing dahilan para tapakan ang karapatan ng ordinaryong biyahero. Hindi puwedeng sa ngalan ng “security”, e security ng bulsa mo ang wasak.
At eto ang masakit kapag na-miss mo ang flight dahil sa haba ng interview, ikaw ang sasalo ng rebooking, hotel, pagkain, dagdag bayad. Kahit walang court order. Kahit walang kasalanan.
Buti na lang may ilang airline na may malasakit at nagre-refund o nagre-rebook, gaya ng PAL at Cebu Pacific. Pero ayon kay Tulfo, goodwill lang ’yan hindi obligasyon. Kaya kapag malas ka sa policy, nganga.
Kaya ang SB 1657—na tatawaging “Passenger Protection and Reimbursement for Deferred Departures Act,” ay hindi lang papel.
Panangga ’yan. Nililinaw nito ang patakaran, ginagawang uniform, transparent, at may pananagutan ang proseso. Hindi laban sa BI, kundi para sa balanse: ipatupad ang batas, oo—pero igalang ang pasahero at huwag ipasa sa kanila ang kapalpakan ng sistema.
Ito ang klaseng batas na ramdam ng masa. Walang arte, walang pa-impress. Diretsong hustisya.
Kaya saludo kay Tulfo, kapag ang sistema ang matigas ang mukha, dapat mas matigas ang batas.
At sa pagkakataong ito, may tumindig para sabihing: Hindi kayo ATM ng gobyerno.
- Latest















