EDITORYAL - E-bikes, walisin sa pangunahing kalsada

Ipinatupad noong Biyernes ang paghuli sa e-bikes at e-trikes na dumadaan sa mga pangunahing kalsada. Dahil sa pagpapatupad, 96 na e-trikes at e-bikes ang hinuli ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO). Ayon sa LTO ang e-trikes at e-bikes ay hinuli sa EDSA, Roxas Boulevard, C-5, Quirino highway, Quirino Avenue hanggang Magallanes–SLEX. Ayon kay LTO chief Asec. Markus Lacanilao, ang pagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing kalsada ay alinsunod sa Republic Act 4136 at Joint Administrative Order ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Ayon pa sa LTO, patuloy ang kanilang kampanya laban sa mga nasabing sasakyan dahil sa panganib na dulot ng mga ito sa motorista. Ang mga nahuling e-bikes at e-trikes ay inisyuhan ng citation ticket para sa multa dahil sa kasong reckless driving.
Bawal dumaan ang e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing kalsada subalit papayagan sa local at secondary roads pati sa subdivision, pribadong kalsada at bike lane. Papayagan ding tumawid sa national highway pero hindi maaring bumaybay dito.
Ipinatupad na ang pagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa pagdaan sa national road noong nakaraang Disyembre 1, 2025 pero ipinagpaliban ng Enero 2, 2026. Ayon sa LTO ang e-bikes at e-trikes na yayaot sa mga main roads ay huhulhin at i-impound.
Noong Abril 1, 2024, ibinawal na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagyaot ng e-trikes at e-bikes sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Sabi ni MMDA chairman Romando Artes, ang mga lalabag sa regulasyon ay pagmumultahin ng P2,500.
Noong Abril 18, 2024, inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang MMDA na bigyan ng palugit ang mga may-ari ng e-bikes at e-trikes at iba pang sasakyan. Sabi ni Marcos, kailangan pa raw magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban ng e-bikes.
Kailangan din daw maisaayos na maituro ang mga kalsadang maaring gamitin ng e-bikes. Ganundin din naman na dapat ay maipaalala ang mga bagong patakaran na ipinapatupad upang maging ligtas sa mga lansangan. Subalit lumipas ang isang taon, walang ginawang pag-aaral ang LTO para maisaayos ang pagyaot ng e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing kalsada.
Ngayon ay pinal na ang pagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa pangunahing kalsada. Maaring mabawasan na ang aksidente sa pagpapatupad ng kautusan. Hindi sana ningas kugon ang mga awtoridad sa pagpapatupad nito. Walisin sa main road ang e-bikes at e-trikes.
- Latest
















