^

PSN Opinyon

Biktima ng karahasan

IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

SA ilalim ng bagong batas, ang panggagahasa ay hindi lamang nagaganap sa pamamagitan ng pakikipagtalik nang walang pahintulot, kundi maaari ring mangyari sa pamamagitan ng sekswal na pang-aabuso. Ito ay ipinakita sa kaso ni Angel.

Si Angel ay isang empleyado sa isang kompanya sa isang lungsod sa timog, kung saan nakilala niya ang kanyang nobyo na si Daniel.

Isang gabi matapos ang trabaho, sila ay nag-date at umuwi nang madaling-araw.

Habang naghihintay ng masasakyan bandang 1:30 a.m. sa isang waiting shed na maliwanag dahil sa mga poste ng ilaw, nilapitan sila ng dalawang lalaking may patalim at hinoldap.

Tinangay ni Carlo ang relo, bracelet, at bag ni Daniel, habang si Miguel naman ay hinila si Angel palayo. Tinakpan niya ang bibig nito, tinutukan ng kutsilyo, hinalikan sa leeg, hinipuan sa dibdib, at pinilit siya—sa pamamagitan ng pagbabanta ng pananaksak—na payagan siyang ipasok ang kanyang daliri sa ari ni Angel.

Makalipas ang ilang sandali, dalawang barangay tanod ang nagpapatrolya sa lugar. Humingi ng tulong si Angel at nasundan nila ang mga tumakas na suspek. Nahuli sina Miguel at Carlo at positibong itinuro ng mga biktima bilang mga salarin.

Sa paglilitis, malinaw at pare-pareho ang testimonya nina Angel, Daniel, at ng mga saksi.

Dahil dito, hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) si Miguel ng robbery with rape at pinatawan ng 14 taon at 8 buwan hang­gang 40 taon na pagkakabilanggo, kasama ang pagbabayad ng ?2,130 actual damages at ?50,000 moral damages.

Si Carlo naman ay napatunayang guilty sa robbery at hina­tulan ng 4 hanggang 7 taon na pagkakakulong at pagbaba­yad ng ?2,500 actual at ?20,000 moral damages.

Inapela nila ito sa Court of Appeals (CA) ngunit pinagtibay ang desisyon ng RTC.

Nang umakyat sa Korte Suprema (SC), iginiit nilang madilim ang lugar kaya hindi sila makilala, at may duda umano sa medical report dahil nakipagtalik si Angel kay Daniel bago ang insidente.

Tinanggihan ng SC ang kanilang apela. Ayon dito, sapat ang liwanag ng lugar para makilala ang mga salarin at malinaw ang pahayag ni Angel na siya ay sapilitang inabuso ni Miguel.

Idiniin din ng SC na hindi kailangan ng medical report para mapatunayan ang panggagahasa—ang kakulangan ng sugat ay hindi nangangahulugang walang nangyaring pang-aabuso.

Sa huli, pinagtibay ng SC na si Miguel ay guilty sa robbery with rape, at si Carlo ay guilty sa robbery. Si Miguel ay dapat magbayad ng ?2,130 actual damages, ?75,000 civil indemnity, at ?75,000 bawat isa para sa moral at exemplary damages.

Si Carlo naman ay pinatawan ng 4 taon at 2 buwan hanggang 6 taon, 1 buwan, at 11 araw na pagkakabilanggo, at dapat magbayad ng ?2,500 actual at ?20,000 moral damages (People vs. Batuhan and Lacturan, G.R. No. 219830, Agosto 3, 2016)

ANGEL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with